Namatay sa pagkalunod ang tatlong mga batang lalaki habang nanghuhuli ng isda sa isang malalim na fishpond sa Barangay Dalapitan sa Matalam, Cotabato kamakalawa.Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes, kinumpirma ng Matalam Municipal Police Station at ni Roel Vargas, tagapamahala ng Matalam Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang pagkamatay ng tatlong bata na hindi na kinilala sa kahilingan ng kanilang mga pamilya.May paniwala ang mga imbestigador ng Matalam MPS at si Vargas na posibleng unang nalunod ang isa sa tatlong mga batang lalaki sa malalim na bahagi ng fishpond sa Purok Santol sa Barangay Dalapitan at nalunod na rin ang dalawa nitong kasama sa tangkang pagsagip sa kanya. Ayon kay Matalam Vice Mayor Ryan Rafael, tutulungan nila ang mga pamilya ng biktima sa pagpapalibing ng mga ito.Nanawagan din si Rafael sa mga barangay officials sa Dalapitan, sa kanilang MDRRMO at sa Matalam MPS na imbestigahan ng malalim ang insidente. (JUNE 27, 2024, HANDOUT PHOTO)
Author: Kurt Michael Culpa
-

Armado namaril ng barangay hall, nanakot ng mga residente
Tadtad ng bala ang barangay hall ng Bialong sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ng pagbabarilin ng armadong grupo na pinaputukan din ang maghahatid ng ayuda sa mga walang kalaban-labang mga residenteng kanilang ginulo nitong Martes, June 25, 2024.Sa ulat nitong Miyerkules ng Maguindanao Provincial Police Office at ng mga mga opisyal ng Army units na sakop ng 6th Infantry Division, grupo ni Boy Trenta ng 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front ang responsable sa naturang kaguluhan, kagalit ng chairman ng Barangay Bialong na si Mohammad Upam.Pinaputukan din nila Trenta ang convoy ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan, Sr. at mga sundalo at mga pulis na maghahatid ng relief supplies para sa mga residenteng apektado ng kaguluhan, nag-ugat sa kanilang hindi pagkakaunawaan ng mga barangay officials na masigasig ang suporta sa anti-terror operations ng pulisya at ng 33rd Infantry Battalion na naka-base sa naturang bayan.Nabalam ng ilang oras ang relief mission nila Ampatuan para sa mga residente ng Barangay Bialong dahil pinigilan niyang gumanti ng putok ang mga kasamang mga sundalo at mga pulis upang hindi nila malabag ang ceasefire agreement ng MILF at ng gobyerno.Sa mga hiwalay na pahayag, nanawagan si Ampatuan, si Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director na Police Regional Office at si Army Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, sa liderato ng MILF at sa government ceasefire committee na ayusin ang kaguluhan sa Barangay Bialong ng ayon sa mga paraang nakasaad sa government-MILF peace agreement. (JUNE 26, 2024)
-

MNLF lalahok sa kaunaunahang 2025 BARMM elections
Pormal na humiling nitong Lunes ng permiso sa Commission on Elections ang Bangsamoro Party ng Moro National Liberation Front (MNLF) na makalahok sa pinakaunang Bangsamoro parliamentary elections sa susunod na taon.Naghain ng petisyon sa tanggapan ng Comelec sa Cotabato City na makalahok sa 2025 elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga opisyales ng Bangsamoro Party, mas kilala bilang BAPA party, sa pangunguna ni Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, na siya ring chairman ng MNLF central committee.Kasama ni Sema sa pag-submite ng kanilang petisyon sa Comelec ang mga kapwa opisyal ng MNLF na sina Abdulgalib Isnani Halud at mga kasapi ng Bangsamoro parliament na sina Omar Sema ng Cotabato City, Adzfar Usman ng Sulu at sina Muslimin Jakilan at Hatimil Hassan, parehong mga taga Basilan.Popular ang BAPA party, may mahigit 200,000 na na mga miyembro at supporters sa anim na probinsya at tatlong lungsod ng Bangsamoro region, sa mahigpit na pagbabawal nitong gamitin ng mga kasapi at mga taga-suporta ang Facebook at ang print at broadcast media sa pang-aatake, o paninira sa ibang mga regional political parties sa autonomous region.Magkatuwang ang MNLF at Moro Islamic Liberation Front, na ang chairman, si Ahod Ebrahim, ay siyang chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, sa pamamahala ng mga peace and local community-empowerment programs ng ilang mga ahensiya ng BARMM regional government. (JUNE 25, 2024)
-

BARMM Grand Coalition, nais ang mapayapa, malinis na regional elections
Nagpahayag ng suporta ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Grand Coalition (BGC) sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maging mapayapa at makatotohanan ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections sa susunod na taon.Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Cotabato City nitong Martes, June 25, 2024, pinulong ng Pangulo ang mga mayor at mga governor sa BARMM nitong Lunes sa Diamond Hotel sa Manila kung saan kanyang ipinahayag sa kanila ang kanyang mithiin na maging maayos ang 2025 Bangsamoro regional elections at protektado sa anumang hindi kanais-nais na mga pangyayari.Ang BGG ay isang political coalition na naghahanda ng sumabak sa 2025 parliamentary elections, magkatuwang na pinamumunuan nila Sulu Gov. Hadji Abdusakur Tan, Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr., Maguindanao del Sur Gov. Mariam Sangki Mangudadatu, ang kaniyang kabiyak na si Suharto Mangudadatu na kasalukuyang director ng Technical Education and Skills Development Authority, at Basilan Congressman Mujiv Hataman.Sa pahayag nitong Martes, tiniyak ni Tan, ang kandidato ng BGC sa pagka-chief minister ng BARMM, na ang kanilang political coalition ay tutulong sa Malacañang, sa Commission on Elections, sa pulisya at militar sa pagtiyak na magiging maayos, malinis at mapayapa ng halalan sa autonomous region sa susunod na taon. (JUNE 25, 2024)
-

P10.6 million halaga ng imported na sigarilyo nasamsam sa Sulu
Nasamsam ng mga pulis ang P10.6 million na halaga ng sigarilyong mula sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Kajatian sa Indanan, Sulu nitong Biyernes.Sa pahayag nitong Lunes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasa magkatuwang na kustodiya na ng Indanan Municipal Police Station at ng Sulu Provincial Police Office ang nakumpiskang mga sigarilyong mula sa Indonesia.Natagpuan ng mga pulis ang 297 na malalaking kahon na naglalaman ng mga sigarilyo, abot ng P10.6 million ang halaga, sa isang bodega sa Sitio Smart sa Barangay Kajatian sa tulong ng mga residenteng masigasig ang suporta sa kampanya ng PRO-BAR laban sa pagbebenta sa Bangsamoro region ng mga sigarilyong imported na walang pahintulot mula sa Bureau of Customs.Isang lalaking nagbabantay ng warehouse kung saan nakaimbak ang mga nasamsam na mga sigarilyo ang agad na inaresto ng mga pulis sa naturang operasyon at ngayon inaalam na ng mga imbestigador mula sa kanya kung sino ang negosyanteng nagmamay-ari nito. (JUNE 24, 2024)
-

Motorsiklo, van nagsalpukan sa Koronadal City
Dalawang sakay ng isang motorsiklo ang nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan ng kanilang mabangga ang kanang gilid ng isang van sa isang highway intersection sa Koronadal City nitong umaga ng Lunes, June 24, 2024.Batay sa mga inisyal na ulat ng Koronadal City Police Office, ang motorsiklong kulay blue na Suzuki Raider ang siyang bumangga sa gilid ng van habang paliko ito, pa-kanan, sa isang kanto sa tabi ng GenSan Drive, ang highway na nag-uugnay sa Koronadal City at sa General Santos City.Agad namang naisugod sa pagamutan ang mga nasaktang motorista ng mga emergency responders ng Koronadal City local government unit at ng mga pulis na nag-responde sa insidente. (JUNE 24, 2024, HANDOUT PHOTOS)
-

Salpukan ng motorsiklo at minivan sa Kidapawan City
Malubha ang isang motorista sanhi ng banggaan ng kanyang motorsiklo at ng isang minivan sa isang bahagi ng highway sa Lanao sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato nitong hapon ng Linggo, June 23, 2024. Inaantabayanan pa ang ulat ng Kidapawan City Police Office hinggil sa insidente. Abangan ang dagdag pang detalye. (JUNE 23, 2024)
-

Highway sa boundary ng Cotabato at Davao del Sur binaha
Dahil sa paulit-ulit na malakas na ulan sa kapaligiran, lubog sa baha nitong hapon ng Biyernes, June 21, 2024, ang bahagi ng Kidapawan-Davao Highway sa boundary ng Makilala, Cotabato at Bansalan, Davao del Sur. (JUNE 21, 2024)
-

PCG member nabaril sa Basilan, pumanaw sa hospital
Pumanaw sa isang hospital sa Zamboanga City madaling araw nitong Biyernes ang isang kasapi ng Philippine Coast Guard na Yakan na nabaril sa Lamitan City, Basilan nitong hapon ng Huwebes.Kinumpirma nitong tanghali ng Biyernes ng Lamitan City Police Station at ng Basilan Provincial Police Office ang pagkamatay ng PCG member Nurjan Ijal Birong, 26-anyos at taga Akbar, Basilan sanhi ng mga tama ng bala sa kanyang kaliwang braso na tumagos sa tagilirang bahagi ng kanyang dibdib.Sa inisyal na ulat nitong Huwebes in Lt. Col. Arlan Delumpines, police chief ng Lamitan City, naglalakad si Birong, naka destino sa Ormoc City, at ang kanyang 25-anyos na kasintahang si Mudzrika Gayot Aman sa isang lugar sa Barangay Maligaya ng siya ay pagbabarilin ng isang lalaking nakaabang sa gilid ng daan na mabilis na tumakas gamit ang isang motorsiklo.May theorya ang mga local government officials ng Akbar, hindi kalayuan sa Lamitan City, na kababayan din nila ang bumaril kay Birong, isang krimen na posibleng nag-ugat diumano sa personal grudge.Unang dinala sa Lamitan City District Hospital si Birong at isinugod sa isang mas modernong pagamutan sa Zamboanga City dahil sa kanyang maselang kalagayan at doon na namatay habang ginagamot ng mga doctor nitong madaling araw ng Biyernes. (JUNE 21, 2024)
-

Paligid ng Ligawasan Marsh sa Central Mindanao binaha
Mahigit 30 na mga barangay sa ilang bayan sa Cotabato province sa Region 12 at mga karatig na bayan sa Maguindanao del Sur sa Bangsamoro region na malapit sa 220,000 ektaryang Ligawasan Marsh ang binaha mula pa nitong madaling araw ng Huwebes.Kabilang sa mga lugar na binaha ang Barangay Buliok sa bagong tatag na bayan ng Ligawasan sa Bangsamoro Autonomous Region at ilan pang mga lugar sa Pikit, Cotabato na tinataguriang “gateways to Liguasan Marsh” dahil sa malapit ang mga ito sa naturang marsh na bagsakan ng tubig mula sa mga ilog sa mga kabundukan sa mga probinsyang nakapalibot dito.Nagsimulang umapaw ang tubig sa Liguasan Marsh madaling araw ng Huwebes kasunod ng Malakas na ulan sa mga probinsya sa paligid nito. (JUNE 21, 2024)

