Tadtad ng bala ang barangay hall ng Bialong sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ng pagbabarilin ng armadong grupo na pinaputukan din ang maghahatid ng ayuda sa mga walang kalaban-labang mga residenteng kanilang ginulo nitong Martes, June 25, 2024.
Sa ulat nitong Miyerkules ng Maguindanao Provincial Police Office at ng mga mga opisyal ng Army units na sakop ng 6th Infantry Division, grupo ni Boy Trenta ng 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front ang responsable sa naturang kaguluhan, kagalit ng chairman ng Barangay Bialong na si Mohammad Upam.
Pinaputukan din nila Trenta ang convoy ni Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan, Sr. at mga sundalo at mga pulis na maghahatid ng relief supplies para sa mga residenteng apektado ng kaguluhan, nag-ugat sa kanilang hindi pagkakaunawaan ng mga barangay officials na masigasig ang suporta sa anti-terror operations ng pulisya at ng 33rd Infantry Battalion na naka-base sa naturang bayan.
Nabalam ng ilang oras ang relief mission nila Ampatuan para sa mga residente ng Barangay Bialong dahil pinigilan niyang gumanti ng putok ang mga kasamang mga sundalo at mga pulis upang hindi nila malabag ang ceasefire agreement ng MILF at ng gobyerno.
Sa mga hiwalay na pahayag, nanawagan si Ampatuan, si Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director na Police Regional Office at si Army Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, sa liderato ng MILF at sa government ceasefire committee na ayusin ang kaguluhan sa Barangay Bialong ng ayon sa mga paraang nakasaad sa government-MILF peace agreement. (JUNE 26, 2024)
