Nakumpiska ng mga pulis ang abot sa P523,000 na halaga ng sigarilyong mula sa Indonesia sa mga hiwalay na anti-smuggling operations sa Sulu at Tawi-Tawi nitong Huwebes.Sa pahayag nitong Biyernes ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, nasamsam ng kanilang mga operatiba ang P148,000 na halaga ng mga imported na sigarilyo mula sa ilang mga tindahan sa Barangay Poblacion sa Bongao, kabisera ng Tawi-Tawi.Kusang loob namang ipinakustodiya na sa Bongao Municipal Police Station ng mga negosyante ang mga imported na sigarilyong kanilang binebenta ng maipaliwanag sa kanila ng mga magkasanib na mga kasapi ng Bongao Municipal Police Station at ng Tawi-Tawi Provincial Police Office na bawal ang pagbebenta ng mga imported na sigarilyo ng walang kaukulang pahintulot sa pamahalaan.Unang nakumpiska nitong Huwebes ng mga pulis ang abot sa P375,000 na halaga ng sigarilyong ibat-iba ang mga brand na gawa sa Indonesia na nakaimbak sa malapit sa isang dungguan ng mga maliliit na sasakyang pandagat sa Barangay Tulay sa Jolo, kabisera ng Sulu.Ang naturang kontrabando ay nakatakda na sanang ihahatid ng mga smugglers sa ilang mga tindahan sa Jolo ngunit iniwan na ng mga ito ng napansin na may parating na mga pulis mula sa Jolo Municipal Police Station na naatasang magsiyasat sa ulat ng mga residente hinggil pagdaung sa maliit na pier sa kanilang barangay ng isang bangkang de-motor na may kargang smuggled na mga sigarilyo. (JUNE 21, 2024)
Author: Kurt Michael Culpa
-

MILF versus MILF bakbakan sa Maguindanao del Sur, mga residente apektado
Mahigit 200 na mga taga Datu Unsay, Maguindanao del Sur ang nagsilikas sa mga ligtas na lugar nitong Miyerkules sanhi ng barilan ng dalawang grupong kabilang sa Moro Islamic Liberation Front na nanunog pa ng ilang mga bahay bago tumakas ng papalapit na ang mga sundalong nagresponde sa insidente.Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes ng 6th Infantry Division at the Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, grupo ng magkalabang sina Commander Panzo at Commander Tunga ang nagka-engkwentro sa Sitio Irrigation sa Barangay Meta, Datu Unsay na siyang nagsanhi ng paglikas ng mga inosenteng mga residenteng naipit sa kaguluhan.Sa ulat ng pulisya at ng mga units ng 6th ID sa Maguindanao del Sur, kabilang sa mga dahilan ng away ng dalawang grupo ang bangayan sa pulitika at agawan ng mga teritoryo.Si Panzo ay kasapi ng 118th Base Command ng MILF habang si Tunga ay kabilang naman sa mga MILF commanders na miyembro ng 105th Base Command ng naturang grupo.Nanawagan nitong umaga ng Huwebes si Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th ID, at si Bangsamoro regional police director Brig. Prexy Tanggawohn sa liderato ng MILF at sa mga opisyal ng joint ceasefire committee ng naturang grupo at ng pamahalaan na ayusin ang sigalot ng dalawang magkaaway na mga commanders. (JUNE 20, 2024)
-

Malalim na imbestigasyon sa Lamitan bombing, hiniling
Nanawagan ng malalim na imbestigasyon ang mga taga Lamitan City sa pambobomba ng isang gasoline station sa lungsod nitong gabi ng Martes, kumbinsidong may nais mapahiya ang mga opisyal na nagdeklarang Abu Sayyaf-free na ang 45 barangays na sakop nito. Pinasabugan ng homemade na bomba ang gasoline station sa Barangay Matibay kasunod ng State of the City Report ni Lamitan City Mayor Roderick Furigay nitong umaga ng Martes kung saan idineklara nila Basilan Gov. Hadjiman Salliman at ng mga opisyal ng 101st Infantry Brigade at ng Basilan Provincial Police Office na wala ng presensya ng Abu Sayyaf sa lungsod. Isang menor-de-edad na residente ang bahagyang nagalusan sa pambobomba, ayon sa ulat nitong Miyerkules ni Lt. Col. Arlan Delumpines, Lamitan City police chief, na nagpahayag din na may paniwala silang mga extortionists ang may pakana nito at hindi mga teroristang Abu Sayyaf. Naniniwala ang mga barangay officials sa Lamitan City, kilalang mga political supporters ni Salliman, na hindi mga Abu Sayyaf ang nasa likuran ng naturang pambobomba at posible diumanong may grupo lang na nais mapahiya ang mga local executives, si Salliman at mga opisyal ng Basilan PPO at 101st Infantry Brigade sa kanilang magkatuwang na deklarasyon na wala ng ni isa mang Abu Sayyaf sa lungsod. Una ng nadeklara nito lang June 4 ng mga kinauukulan, kabilang sina Salliman, si Brig. Gen. Alvin Luzon ng 101st Infantry Brigade, at ang mga opisyal ng Basilan provincial police, bilang Abu Sayyaf-free ang bayan ng Lantawan, mga 50 kilometro ang layo mula sa Lamitan City. (JUNE 19, 2024)
-

Ginang pinatay ng bayaw sa 17 na saksak, ginilitan pa ng leeg
Pinatay na sa 17 na saksak at ginilitan pa ng leeg ang isang ginang ng kanyang kagalit na bayaw sa isang karumaldumal na insidente sa Barangay Ilomavis sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato nitong Sabado, June 15, 2024.Sa pahayag nitong Martes ni Col. Gilbert Balneg Tuzon, director ng Cotabato Provincial Police Office, matagal ng may alitan ang biktima, si Sharon Rose Lapis, 45-anyos, at ang 40-anyos na suspect na si Julie Solilom.Sa ulat ni Jimmy Mantawil, chairman ng Barangay Ilomavis, unang nagtalo dalawa bago naganap ang insidente sa isang lugar sa Sitio Anitap sa Ilomavis. Ayon sa kay Mantawil at mga imbestigador ng Kidapawan City Police Office, sinaksak ng 17 beses in Solilom ang bayaw niyang si Lapis ay ginilitan ng na leeg bago tumakas.Magkatuwang na hinahanap na ng mga operatiba ng Kidapawan City CPO at ng Cotabato PPO si Solilom, ayon kay Tuzon. (JUNE 18, 2024)
-

Mga taga Malungon at Kiblawan naka-benepisyo sa outreach missions ng mining company, LGUs, NCIP
Abot sa 1,374 na mga residente, marami sa kanina mula sa tribong Blaan, ng Malungon, Sarangani at Kiblawan, Davao del Sur ang nakabenepisyo sa mga serye ng medical at dental missions ng kanilang mga municipal governments at ng isang pribadong kumpanya, ang Sagittarius Mines Incorporated, nitong nakalipas na ilang linggo.Sa ulat ng ibat-ibang mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong Martes, nagpasalamat sina Kiblawan Mayor Joel Calma at Malungon Mayor Maria Theresa Constantino sa Sagittarius Mines Incorporated (SMI) sa isinagawa nitong medical and dental missions sa kanilang mga bayan, katuwang ang kanilang mga local government units.Sinuportahan din ng regional at provincial officials ng National Commission on Indigenous People sa Region 12 at Region 11 ang mga serye ng outreach missions ng SMI at ng mga LGUs ng Kiblawan at Malungon.Sa tala ng mga opisyal ng Kiblawan at Malungon LGUs, abot sa 1,374 na mga residente sa dalawang bayan, marami sa kanila mga Blaan, ang nasuri ng mga health workers at nabigyan ng mga gamot para sa ibat-ibang karamdaman at marami din ang nabunutan ng mga sirang ngipin ng libre ng mga dentista.Malaking bilang din ng mga batang lalaki ang natuli ng libre ng mga manggagamot bilang isa sa joint humanitarian outreach missions ng NCIP, ng mga LGUs ng Malungon at ng SMI, ayon sa mga ulat ng ibat-ibang himpilan ng radyo sa Region 12 at sa Bangsamoro region nitong umaga ng Martes.Ilang Blaan tribal leaders, kabilang si Fulong Rufino Dianga, Jr., Indigenous People’s Mandatory Representative sa konseho ng Kiblawan, ang nagpahayag ng kagalakan sa naging resulta ng naturang humanitarian missions ng SMI at ng mga LGUs ng Malungon at Sarangani at ng NCIP. (JUNE 18, 2024)
-

Magsasakang Teduray at kabayo, nakuryente, tepok
Agad na namatay ang isang magsasakang etnikong Teduray at ang kanyang kabayong sinasakyan ng kanilang masagi ang isang high-tension power cable na napabayaang nakalaylay mula sa isang poste sa South Upi, Maguindanao del Sur nitong gabi ng Linggo, June 16, 2024.Sa mga hiwalay na ulat ng mga Teduray tribal leaders at ng pulisya, nalagutan ng hininga ang biktima, si Ronald Cornelio, kasunod ng ilang segundong pagkikisaykisay nito at ng kanyang kabayo ng kanilang nasagi ng power cable mula sa isang poste sa isang liblib na lugar sa Guila-Guila sa South Upi.Sa mga ulat na nakarating sa tanggapan ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nadeklarang dead on arrival si Cornelio ng medical workers sa isang pagamutan sa South Upi kung saan siya isinugod ng mga kakilala at barangay officials na nagbakasakaling maari pa siyang mabuhay kung malapatan ng lunas. Ayon sa mga kasapi ng South Upi Municipal police, pauwi na sa Ranao Badak si Cornelio, sakay ng kanyang kabayo ng maganap ang insidente sa isang lugar sa Guila-Guila na madilim, walang ilaw sa kapaligiran. (JUNE 18, 2024)
-

Nagkukumpuni ng kisame, nakuryente, patay
Hindi na umabot ng buhay sa hospital ang 19-anyos na criminology student na nakuryente habang nagkukumpuni, bilang sideline, ng kisame ng isang restaurant sa Barangay Zone II sa Koronadal City, South Cotabato nitong Huwebes, June 13, 2024.Sa ulat ng Koronadal City Police Office at ng local government unit ng lungsod nitong Biyernes, bumigay at nasira ang pinapatungan ni John Jaymark Lavo habang ginagawa ang kisame ng establisimento kaya ito nahulog at nasagi ang kuryenteng nakalaylay sa ilalim ng pinapatungan at nakuryente.Na-deklarang dead on arrival sa isang pagamutan si Lavo kung saan siya isinugod ng mga responders upang malapatan sana ng lunas. (June 14, 2024)
-

Tanker driver na shabu dealer, nakasuhan na
Nahaharap na sa kaukulang kaso ang isang fuel tanker truck driver na sinabayan ang trabahong pagbibyahe sa ibat-ibang probinsya at lungsod sa Mindanao ng paghatid ng shabu sa kanyang mga contacts sa naturang mga lugar. Sa pahayag nitong Huwebes, June 13, 2024, ni Aileen Lovitos, director ng Philippine Drug Enforcement Agency-12, nasampahan na nila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Lloyd Macias Villegas, na-entrap sa poblacion ng Alabel sa probinsya ng Sarangani nitong Lunes. Matagal ng high-value target ng mga kasapi ng PDEA-12, PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng Police Regional Office-12 si Villegas na mismong mga manggagawa ng ibat-ibang fuel retail stations sa ibat-ibang lungsod sa Central Mindanao ang nagkumpirma kina Lovitos ng kanyang pagbebenta ng shabu sa mga contacts sa kani-kanilang mga lugar. Agad na nakulong si Villegas matapos mabilhan ng mga hindi unipormadong mga PDEA-12 agents at mga pulis ng P31,000 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation nitong Lunes sa Alabel, nailatag sa tulong ng mga impormante at mga local officials sa naturang bayan. (June 13, 2024)
-

Babaeng security guard sa Cotabato City pinatay sa loob ng boarding house
Patay sa mga tama ng bala sa mukha, leeg at kaliwang kamay ang isang babaeng security guard, pinaslang sa kanyang kuwarto sa isang boarding house sa Barangay Rosary Heights 2 sa Cotabato City nitong madaling araw ng Huwebes, June 13, 2024.Sa inisyal ulat ng Cotabato City Police Precinct 1, wala ng buhay ang biktimang lady guard na si Lovely Rose Ferraren Rocaberte, 35-anyos, taga Barangay Nalin sa Midsayap sa probinsya ng Cotabato, mga 40 kilometers ang layo mula sa Cotabato City.Nagsasagawa pa ng malalim na imbestigasyon ang lokal na pulisya hinggil sa insidente. (June 13, 2024)
-

P680K halaga ng sigarilyo, nasamsam sa Maguindanao
NorteNasamsam ng mga pulis ang P630,000 na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa dalawang hiwalay na anti-smuggling operations sa magkatabing mga bayan ng Sultan Mastura at sa Sultan Kudarat sa probinsya ng Maguindanao del Norte.Sa pahayag nitong Miyerkules, June 12, 2024, ni Brig. Gen. Alex Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nasabat nitong Lunes ng mga pulis ang abot sa P450,000 na halaga ng mga sigarilyong kahahatid lang ng isang pumpboat sa Barangay Simuay Seashore sa Sultan Mastura, nakahanda na sanang ihahatid sa mga tindahan sa naturang bayan.Naaresto ng mga kasapi ng Sultan Mastura municipal police ang isang lalaking nagbabantay ng naturang mga imported na sigarilyo na ayon kay Tanggawohn ay posibleng mula diumano sa Sulu, o sa Tawi-Tawi. Unang nasamsam ng mga pulis nitong gabi ng Linggo ang P180,000 na halaga ng mga sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang bakanteng lote sa Barangay Ungap sa Sultan Kudarat na na-diskubre ng mga residente, binabantayan ng mga lalaking naghihintay ng sasakyang susundo sana sa naturang kontrabando.Ayon kay Tanggawohn, tumakas ang mga lalaking nagbabantay sa naturang mga smuggled na sigarilyo ng mapansin na may parating na mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na naatasang magsiyasat sa mga ulat mga residente hinggil sa pagdating ng ilang kahon na mga sigarilyo mula sa isang lugar sa kanlurang baybayin ng naturang bayan. (JUNE 12, 2024)

