Author: Kurt Michael Culpa

  • P10 million laan para sa edukasyon ng mga Blaan at iba pa

    P10 million laan para sa edukasyon ng mga Blaan at iba pa

    Karagdagang P10 million pa na pondo ang magkatuwang na gagamitin ng mga local government units at ng isang pribadong mining company para sa pagpapatuloy ng kanilang joint education support program para sa mga mahihirap sa apat na bayan sa Central Mindanao.Sa mga hiwalay na pahayag nitong Biyernes, nagpasalamat ang tatlong mayors, sina Joel Calma ng Kiblawan sa Davao del Sur, Maria Theresa Constantino ng Malungon sa Sarangani, at si Vice Mayor Bai Naila Mamalinta ng Columbio sa Sultan Kudarat sa Sagittarius Mines Incorporated (SMI) sa pagtiyak na karagdagang P10 million pa ang inilaan nito para sa scholarship program para sa mahihirap na residente ng kani-kanilang mga bayan na sakop ng copper at gold mining operations nito simula sa susunod na taon batay sa permit na mula sa Malacañang. Ayon sa mga naturang local executives, halos 800 na na mga mahihirap na mga residente ng Kiblawan, Malungon, Columbio at sa Tampakan sa South Cotabato, na siyang sentro ng nakatakda ng isasagawang Tampakan Copper-Gold Project ang nagtapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng college scholarship program ng SMI nito lang nakalipas na anim na taon, bagamat hindi pa ito nakakapagsimula ng operasyon sa Tampakan.Ngayong school year 2023-2024, karagdagang 1,354 na estudyante ang nakapasok sa Scholarship Program ng SMI mula sa mga bayan ng Kiblawan, Malungon, Columbio at Tampakan, ayon kay Blaan tribal leader Domingo Collado na siyang indigenous people’s representative sa Sangguniang Bayan ng Tampakan. (March 16, 2024)

  • Babae sinapak ng bato sa mukha, patay

    Babae sinapak ng bato sa mukha, patay

    Sa kulungan ang bagsak ng isang security guard matapos niyang masapak ng malaking bato at mapatay ang isang kagalit na babae sa Sitio Sta. Cruz sa Poblacion Area sa bayan ng Makilala, Cotabato nitong Biyernes, March 15, 2024.Basag ang bungo ng biktimang si Joy Labrado sa naturang insidente at agad namang sumuko sa Makilala Municipal Police Station ang pumatay sa kanya na si Joel Buendia, nahaharap na sa kaso. Umamin na si Buendia na kanyang napatay si Labrado sa mga imbestigador ng Makilala MPS.Inaalam pa ng mga imbestigador ng Makilala MPS at ng mga barangay officials kung may relasyon ang dalawa.Sa inisyal na pahayag ng ng imbestigador ng lokal na pulisya, si Labrado ang tumungo sa kinaroroonan ng off-duty na security guard na si Buendia at nagkaroon sila ng pagtatalo bago siya sinapak nito sa ulo ng malaking bato na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. (March 16, 2024)

  • Apat patay sa aksidente sa Lambayong, Sultan Kudarat

    Apat patay sa aksidente sa Lambayong, Sultan Kudarat

    Tatlong sakay ng tricycle at isang driver ng Toyota Hilux pick-up truck ang mga namatay sa salpukan ng dalawang sasakyan sa isang bahagi ng highway sa Purok Luna sa Barangay Maligaya sa Lambayong sa Sultan, Kudarat nitong gabi ng Huwebes, March 14, 2024.Ayon sa mga saksi, nabundol ng sobrang bilis na pick-up truck ng hinihinalang lasing na si Felomino Orlanda ang likuran ng sinusundang tricycle bago bumaliktad ang kanyang sasakyan, gumulong ng ilang beses at nawasak na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.Sa pahayag ng Lambayong Municipal Police Station, patay agad ang tatlong sakay ng tricycle na nasapol ng pick-up truck ni Orlanda, dalawa sa kanila mga Moro na nakilalang sina tricycle driver Bantiong Kamid at Delia Kamid. Inaalam pa ng mga imbestigador kung sino ang pangatlong sakay ng tricycle na namatay din agad sa pinangyarihan ng aksidente.Nagtamo naman ng malubhang mga sugat at pasa sa katawan ang kasama sa sasakyan ng nasawing si Orlanda na si Fel Dylan Orlanda. (March 15, 2024, larawang pang visual aid lang)

  • Mga sirang silid aralan sa isang Moro area, ayos na!

    Mga sirang silid aralan sa isang Moro area, ayos na!

    Abot sa 216 na mga mag-aaral na mga anak ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang nakabiyaya sa rehabilitasyon ng kanilang mga silid-aralan sa liblib na Barangay Talapas sa Datu Montawal, Maguindanao del Sur.Ilang ulit na binaha at labis na naapektuhan ng mga kaguluhan nitong nakalipas na mga taon ang kapaligiran ng Talapas Elementary School na malayo mula sa poblacion ng Datu Montawal.Sa pahayag nitong Miyerkules in Talapas Barangay Chairman Makabinbing Dima Mamondas, masaya sila na tinugunan isang Bangsamoro parliament, ang physician-ophthalmologist na si Kadil Sinolinding, Jr., at ng chief minister ng autonomous region na si Ahod Balawag Ebrahim, ang kanilang kahilingan na mapaayos ang mga silid aralan sa kanilang barangay.Ayon kay Mamondas at mga kawani ng local government unit ng Montawal, pinasinayaan at na-turn over sa lokal na komunidad nitong Linggo, March 10, 2024, ang naturang mga silid aralan na pinaayos ng tanggapan ni Sinolinding gamit ang Transitional Development Impact Fund nito.Kasalukuyang magkatuwang na pinapaayos din ng chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ni Sinolinding ang ilang pang mga silid aralan sa mga liblib na mga lugar ng mga Moro sa mga bayan ng Pikit, Carmen at Kabacan sa probinsya ng Cotabato at sa Pagalungan, Maguindanao del Sur. (March 13, 2024)

  • P500K reward sa pumaslang sa Cotabato City DRRMO official

    P500K reward sa pumaslang sa Cotabato City DRRMO official

    Nag-alok ng P500,000 na pabuya si Cotabato City Mayor Mohammad Ali Matabalao kapalit ng impormasyong makakatukoy kung sino ang pumatay sa operations chief ng disaster at calamity response office ng local government unit ng lungsod. Mismong mga magulang at mga kapatid ng napaslang na 42-anyos na si Jose Raymond Marquez, ang lokal na pulisya at ang Catholic Station DXMS ang nag-kumpirma nitong Sabado ng pag-alok ng mayor ng naturang insentibo sa huling gabi ng lamay ng biktima sa People’s Palace dito na siyang sentro ng operasyon ng Cotabato City LGU. Si Marquez, operations chief ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office, ay pauwi na sa kanilang tahanan gabi ng March 1, sakay ng kanyang motorsiklo, ng ma-ambush sa isang bahagi ng mataong Sinsuat Avenue sa Cotabato City, sa tapat ng isang gasoline station. Nagtamo si Marquez, mas kilala sa kanyang palayaw na Choco, ng tatlong tama ng bala ng .45 caliber pistol na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. Siya ay nilibing nitong umaga ng Biyernes sa Marian Hills Memorial Park sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na dinaluhan ng maraming mga kamag-anak, mga kakilala at mga rescuers mula sa ibat-ibang rescue units ng mga pribadong grupo at mga sakop ng mga ahensya ng pamahalaan. (March 9, 2024)

  • Mga taga Benguet hanga sa mga programang maingat na pag mimina sa South Cotabato

    Mga taga Benguet hanga sa mga programang maingat na pag mimina sa South Cotabato

    Dinalaw nitong Miyerkules, March 6, 2024, ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ng Benguet sa malayong Cordillera Administrative Region ang South Cotabato upang pag-aralan ang mga lokal na programa ng ibat-ibang sektor para sa maingat na pagmimina sa probinsya.Kasama ni Benguet Vice Gov. Ericson Felipe sina Benguet board members Johannes Amuasen, Alexander Fianza, Joel Tingbaoen Jr., Roberto Canuto, Ruben Paoad at Fernando Balaodan Sr. sa kanilang benchmarking activity sa South Cotabato upang kanilang matutunan kung ano ang mga magkatuwang na mga programa ng ibat-ibang local government units, mga etnikong tribo at ng mga pribadong kumpanya hinggil sa ligtas at environment-friendly na mining activities sa probinsya.Sa hiwalay na mga dayalogo, mismong sina South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr. at mga opisyal ng Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, sa pangunguna ng external affairs manager nitong si Roy Antonio, ang siyang nagpaliwanag sa mga opisyal na mula sa Benguet kung paano magiging ligtas ang operasyon, posibleng magsisimula ngayong 2025, ng Tampakan Copper-Gold Project sa bayan ng Tampakan batay sa pahintulot ng Malacañang, ng National Commission on Indigenous Peoples-12, ng Department of Environment and Natural Resources-12 at ng mga pinuno ng tribong Blaan sa probinsya.Ayon kay Gov. Tamayo, isang malaking karangalan para sa mga taga South Cotabato ang pagsagawa ng pag-aaral ng mga SP members mula sa Benguet sa Luzon hinggil sa mga magkatuwang na programa ng kanyang administrasyon at mga lokal na sektor na naglalayong maging ligtas para sa lahat ang anumang pagmimina ng fossil fuels at ng minerals sa lahat bayan sa South Cotabato.Nagpahayag ng paghanga si Vice Gov. Felipe sa mga preparasyon ng SMI, ng NCIP, ng DENR-12, ng Cotabato provincial government at ng mga Blaan tribal leaders upang matiyak ang ligtas at hindi makakasama sa kalikasan na pagmimina ng copper at gold sa bayan ng Tampakan na posibleng pasimulan na sa susunod na taon. (March 8, 2024)

  • Paghati sa Wao, Lanao del Sur tinutulan

    Paghati sa Wao, Lanao del Sur tinutulan

    Daan-daang mga residente ng Wao, Lanao del Sur ang nag-rally nitong umaga ng Huwebes, March 7, bilang pagtutol sa mungkahi ng isang Bangsamoro parliament member na hatiin sa dalawa ang kanilang bayan. Halinhinang tinuligsa ng mga tagapagsalita ng mga raliyista ang nais ni Bangsamoro Parliament Member Ali Montaha Babao, sa pamamagitan ng Parliament Bill 271, na itatag ang bayan ng Pilintangan na sasakop sa 11 sa kabuuang 26 na mga barangay na kasalukuyang sakop ng Wao. Mismong si Mayor Elvino Balicao, Jr. at mga halal na mga opisyal ng 26 na mga barangay ng Wao ang nagkumpirma sa mga reporters nitong Huwebes na wala man lang ginawang konsultasyon o dayalogo sa kanila si Babao o sino man sa parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, bago ihinain ang Parliament Bill 271 sa naturang regional lawmaking body. Bitbit ang mga placards, magkasama ang mga Muslim at mga Kristiyanong residente ng Wao, isang mapayapa at progresibong bayan sa unang distrito ng Lanao del Sur, sa isinagawang rally sa sentro ng naturang bayan. Ayon kay Balicao, nararapat lang na pakinggan ng 80 na mga miyembro ng BARMM parliament na ibasura ang PB 271 na ihinain ni Babao na para sa mga residente ng Wao ay hindi karapatdapat na suportahan kung tatakbo para sa regional parliament sa 2025 elections. (March 7, 2024)

  • Dating kapitan, 2 kasama niratrat patay

    Dating kapitan, 2 kasama niratrat patay

    Patay ang tatlong magkapitbahay, isa sa kanila dating barangay chairman, sa pamamaril ng hindi pa kilalang mga armado sa isang liblib na lugar sa Barangay Tudela sa Trento, Agusan del Sur nitong gabi ng Miyerkules, March 6, 2024).Sa mga ulat nitong Huwebes ng Agusan del Sur Provincial Police Office at ng Trento Municipal Police Station, patay agad sa mga tama ng bala ang mga biktimang sina Yoyoy Asis, Edmar llames at Tani Montes, pinasok at pinagbabaril ng tatlong salarin habang naghahapunan sa loob ng isang bahay sa Purok 2 sa Barangay Tudela.Nakatakbo pa sa labas ng bahay ang isa sa tatlong mga biktima at doon na ito nabuwal at nalagutan ng hininga.Si Ilames ay dating kapitan ng naturang barangay, ayon sa mga opisyal ng Trento MPS at mga emergency responders ng Trento local government unit na nag-responde sa insidente.Mabilis na nakatakas ang mga namaril sa nmga biktima na inaalam pa ng mga imbestigador ng lokal na pulisya kung sino upang masampahan agad ng kaukulang mga kaso. (March 7, 2024)

  • BIFF leader napatay sa Maguindanao del Sur

    BIFF leader napatay sa Maguindanao del Sur

    Napatay ng mga sundalo ang isang wanted na miyembro ng teroristang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at naaresto ang kanyang ama sa isang engkuwentro madaling araw nitong Lunes sa Barangay Pidsandawan sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.Sa isang pahayag nitong Miyerkules, March 6, 2024, kinumpirma ng 6th Infantry Division na naka-base sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang pagkamatay sa naturang insidente ni Mohammad Nanding at pagkakatagpo ng mga sundalo sa tabi ng kanyang bangkay ng isang 5.56 M653 assault rifles, mga bala at iba pang mga gamit.Sumiklab ang palitan ng putok nila Nanding at mga tropa ng 33rd Infantry Battalion ng kanyang paputukan ng assaut rifle ang dalawang pangkat ng mga sundalo habang lumalapit sa kanyang kinaroonan upang mag-siyasat sa mga ulat ng mga residente ng Barangay Pidsandawan hinggil sa presensya doon ng mga armadong kalalakihan na sapilitang nanghihingi ng pera sa mga walang kalaban-labang mga magsasakang mga Moro.Kusang loob na sumuko sa mga sundalong nakapatay kay Nanding ang kanyang ama na isa din sa target ng naturang anti-terror operation ng 33rd IB dahil, katulad ng kanyang napaslang na anak, wanted din sa mga kasong multiple murder, arson at extortion na nakabinbin sa ibat-ibang mga korte. Agad nang ipina-kustodiya ng 33rd IB ang sumukong ama ni Nanding sa lokal na pulisya. (March 6, 2024)

  • Matinding aksidente

    Matinding aksidente

    Dalawang motorista ang patay habang dalawa naman ang sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo ngayong hapon sa Barangay Sumagdang sa Isabela City ngayon hapon ng Miyerkules, March 6, 2024.