Nag-alok ng P500,000 na pabuya si Cotabato City Mayor Mohammad Ali Matabalao kapalit ng impormasyong makakatukoy kung sino ang pumatay sa operations chief ng disaster at calamity response office ng local government unit ng lungsod. Mismong mga magulang at mga kapatid ng napaslang na 42-anyos na si Jose Raymond Marquez, ang lokal na pulisya at ang Catholic Station DXMS ang nag-kumpirma nitong Sabado ng pag-alok ng mayor ng naturang insentibo sa huling gabi ng lamay ng biktima sa People’s Palace dito na siyang sentro ng operasyon ng Cotabato City LGU. Si Marquez, operations chief ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office, ay pauwi na sa kanilang tahanan gabi ng March 1, sakay ng kanyang motorsiklo, ng ma-ambush sa isang bahagi ng mataong Sinsuat Avenue sa Cotabato City, sa tapat ng isang gasoline station. Nagtamo si Marquez, mas kilala sa kanyang palayaw na Choco, ng tatlong tama ng bala ng .45 caliber pistol na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. Siya ay nilibing nitong umaga ng Biyernes sa Marian Hills Memorial Park sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na dinaluhan ng maraming mga kamag-anak, mga kakilala at mga rescuers mula sa ibat-ibang rescue units ng mga pribadong grupo at mga sakop ng mga ahensya ng pamahalaan. (March 9, 2024)
P500K reward sa pumaslang sa Cotabato City DRRMO official

