Sampung mga miyembro ng matagal ng nabuwag na Dawlah Islamiya ang napatay ng mga pulis at sundalo sa isang engkwentro sa Barangay Banga-Pantar sa Marantao, Lanao del Sur madaling araw nitong Biyernes, April 17.
Sa mga hiwalay na ulat nitong tanghali ng Biyernes, kinumpirma nila Army Lt. Gen. Donald Gumiran, commander ng Western Mindanao Command, at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkasawi sa insidente ng 10 na mga Dawlah Islamiya members, kabilang ang kanilang leader na si Amerol Mangoranca.
Apat sa mga napatay na mga kasama ni Mangoranca ay mga babaeng na armado, ayon kina Gumiran at De Guzman.
Hahainan lang sana ng mga agents ng Criminal Investigation and Detection Group, ng mga pulis mula sa iba’t-ibang units ng PRO-BAR at ng mga tropa ng 103rd Infantry Brigade sina Mangoranca at ang kanyang mga kasama ngunit bago pa man sila nakalapit sa kanilang hideout sa Barangay Banga-Pantar ay namaril na ang mga ito kaya nagka-palitan ng putok.
Agad na namatay sa mga tama ng bala sina Mangoranca at ang kanyang siyam na mga tauhan, ayon sa mga hiwalay na ulat ng local government unit ng Marantao at ng mga officials ng Lanao del Sur Provincial Police Office.
Si Mangoranca at lahat ng kanyang kasamang namatay din sa naturang engkwentro ay wanted sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, armed robbery, arson, extortion at trafficking of narcotics, na nakabinbin sa ibat-ibang mga korte sa Lanao del Sur sa Bangsamoro region at sa mga bayan sa Lanao del Norte at sa Iligan City na sakop ng Region 10.
Nakumpiska ng mga pulis at mga sundalo ang dalawang M16 rifles, isang M14 rifle, isang .30 caliber M1 Garand, isang .38 caliber revolver, isang fragmentation grenade at mga components ng improvised explosive devices sa tabi ng mga bangkay nila Mangoranca at ng kanyang mga kasama.(April 17, 2026)










