Dalawa patay sa Maguindanao del Sur

Dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo ang napatay sa ambush sa mataong lugar sa Barangay Damawato sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur nitong umaga ng Martes, ang pang 12 na na magkahalintulad na pananambang sa probinsya mula nitong nakalipas na limang buwan, lahat walang naging kalutasan.

Magkaangkas sa isang motorsiklo si Ibrahim Matukan Pigkaulan at isang kasamang hindi agad kinilala ng mga imbestigador mula sa Datu Paglas Municipal Police Station ng tambangan ng mga armadong kalalakihan na nakaabang sa kanila sa gilid ng kalye sa Barangay Damawato.

Agad na namatay ang dalawang ambush victims sa mga tama ng bala sa ibat-ibang mga parte ng kanilang katawan.

Mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush kina Pigkaulan at kanyang kasama, ayon sa mga barangay officials sa Damawato at mga pulis na nagresponde sa insidente. (April 15, 2026)