Nasamsam ng mga pulis ang abot sa P6.8 million na halaga ng shabu sa mag-asawang na-entrap nitong Lunes, April 13, sa Barangay Limbo sa Sultan Kudarat sa Maguindanao del Norte.
Iniulat nitong Martes ng mga local government officials sa Sultan Kudarat, isa sa 12 na mga bayan sa Maguindanao del Norte, na nakapiit na ang mag-asawang sina Usop Adil Angguling, 33-anyos at ang kanyang 28-anyos na kabiyak na si Gemma Abdullah Gomez Angguling, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na inaresto ang mag-asawa ng mga magkasanib na mga operatiba ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Lt. Esmael Madin, at mga pulis mula sa mga units ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office na kanilang nabentahan ng shabu sa isang lugar sa Purok Sentro sa Barangay Limbo.
Nakumpiska mula sa mag-asawa ang isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million, mga mobile phones at isang 9 millimeter pistol.
Ayon kay De Guzman, naisagawa nila Madin at kanyang mga tauhan ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga Muslim religious leaders at mga Moro datu na kasapi ng multi-sector Sultan Kudarat Municipal Peace and Order Council.
Ayon sa mga officials ng mga intelligence units na sakop ng PRO-BAR, kabilang ang mag-asawa, parehong nakadetine, na sa kanilang listahan ng mga large-scale shabu at marijuana dealers sa autonomous region. (April 14, 2026, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte)

