
Arestado ang dalawang dealer na nabilhan ng P6.8 million na halaga ng shabu ng mga anti-narcotics agents sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 sa Divisoria sa Zamboanga City nitong hapon ng Martes, September 24, 2024.
Sa pahayag nitong Miyerkules in Maharani Gadaoni-Tosoc, PDEA-9 regional director, naka-detine na ang mga suspects na sina Junny Duke Rojas Bariño, 26-anyos, at ang kanyang 24-anyos na kasabwat na si Shadhi Lim Abdua, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Agad na inaresto ng mga PDEA-9 agents sina Bariño at Abdua matapos magbenta sa kanila ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million, sa isang entrapment operation sa Zone 5A sa Divisoria sa Zamboanga City.
Ayon kay Gadaoni-Tosoc, kanilang naisagawa ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng mga units na sakop ni Region 9 police director Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding at ng tanggapan ni Zamboanga City Mayor John Dalipe. (Sept. 25, 2024)