2 patay, 4 sugatan sa Lanao del Sur ‘rido’

Dalawa ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan sa engkwentro ng dalawang grupo ng mga Maranao, parehong armado ng mga assault rifles at grenade launchers, sa Malabang sa Lanao del Sur madaling araw nitong Martes.

Sa ulat nitong Miyerkules ng Malabang Municipal Station sa tanggapan ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, agad na namatay sa mga tama ng bala ang dalawang mula sa isa sa dalawang grupong sangkot sa “rido,” o clan war sa wikang English, na nagsagupa sa hangganan ng Bacayawan at Tubok, mga liblib na lugar sa naturang bayan.

Sa pahayag ni Major Ivan John Bakian, hepe ng Malabang municipal police, agad na nilibing ng mga kamag-anak ang dalawang mga namatay sa mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang mga katawan sanhi ng engkwentro na nagsanhi din sa pagkasugat ng apat na mga inosenteng naipit sa kaguluhan.

Ginagamot na sa isang hospital ang mga sugatang mga Maranao na sina Ansary Dindic, 60-anyos at Hamdanie Ibrahim, 42-anyos, at ang mga etnikong Maguindanaon na sina Esmail Abdul, 53-anyos at ang kanyang 22-anyos na kamag-anak na si Jemar Abdul.

Pansamantalang napaghiwalay na ng mga Maranaw traditional leaders at mga municipal officials ang dalawang magka-rido na grupo na pinagsisikapan na nilang magka-ayos upang hindi na maulit ang insidenteng nagdulot ng takot sa maraming mga inosenteng mga residente ng Bacayawan at Tubok. (SEPT. 25, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *