
Malaking bilang ng mga residente ng Sulu ang naglunsad nitong Martes, September 24, 2024, ng caravan upang ipakita ang kanilang hindi pagsang-ayon sa pagkakatangal ng probinsya sa teritoryo ng Bangsamoro Autonomous Region bilang tugon sa petisyon ng kanilang gobernador na si Abdusakur Tan, Sr.
Hiling ng mga nag-caravan, dumaan sa mga highway sa ilang bayan sa Sulu, na pag-aralang muli ng Supreme Court ang pagtanggal nito sa Sulu sa teritoryo ng BARMM na para sa kanila ay naitatag bilang produkto ng matagal na negosasyon ng pamahalaan at ng mga Moro communities sa Mindanao upang matuldukan na ang halos apat na dekadang secessionist rebellion sa mga probinsyang sakop nito.
Ang Sulu ay kilalang isang bastion, o kuta ng Moro National Liberation Front, na unang nakipaglaban para sa independence ng Muslim areas sa Mindanao ngunit sa kalaunan ay pumayag ng autonomiya na, ayon sa Philippine Charter, ang igawad ng Malacañang sa mga southern Moro communities.
Ikinagulat at ikinalungkot ng maraming residente sa BARMM ang naging decision ng Supreme Court na para sa kanila ay dapat sanang napag-aralan ng mas malalim dahil sa implikasyon nito sa Mindanao peace process at sa mga hiwalay na mga peace agreements ng gobyerno sa MNLF at Moro Islamic Liberation Front. (SEPT. 25, 2024)