Inaasahang mas lalago ang agrikultura at kalakaran sa Lamitan City sa pagkakalipat doon ng Basilan provincial office ng Bangsamoro labor ministry mula sa isang lungsod na sakop din ng probinsya.
Ang mapayapa ng Lamitan City sa Basilan, may 45 na mga barangay, ay isa sa mga tinataguriang “new investment hubs” sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa mga ulat ng mga himpilan ng radyo sa Cotabato City nitong umaga ng Sabado, nagtulungan sa paglipat, nito lang nakalipas na linggo, ang mga kawani ng Ministry of Labor and Employment, sa pangunguna ni Minister Muslimin Sema, ni Gov. Hadjiman Salliman at ni Mayor Roderick Furigay sa Barangay Limook sa Lamitan City ang MoLE provincial field office mula sa Isabela City sa Basilan.
Ayon sa abugadong si Ronald Hallid Torres, chairman ng Bangsamoro Business Council na sakop ang buong BARMM, dagdag na atraksyon para sa mga kapitalistang nasa ibang rehiyon at sa labas ng bansa ang pagkakaroon ng MoLE field office sa Lamitan City dahil ito ang pangunahing ahensya na nagpapalaganap ng kaayusan ng ugnayan ng labor at employer sectors sa lungsod at mga karatig na mga bayan.
Maraming dating mga kasapi ng Abu Sayyaf na nagbalik-loob na sa pamahalaan at namumuhay na ng tahimik bilang agriculture workers, mga miyembro ng Moro National Liberation Front at ng Moro Islamic Liberation Front na may mga trabaho sa Lamitan City at 11 pa na mga bayan sa Basilan ang kabilang sa mga kliyenteng inaalalayan ng MoLE. (January 18, 2025)