
Agad na namatay sa mga tama ng bala ang barangay chairman ng Sambulawan sa Salibo, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Biyernes, January 3, 2025
Sa mga hiwalay na inisyal na ulat ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) nitong Sabado, pinasok ng mga armado sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Sambulawan si Kamran Abubakar at pinagbabaril ng ilang beses bago tumakas sa kalagitnaan ng kaguluhang dulot ng alingawngaw ng mga putok sa kapaligiran.
Ang bayan ng Salibo ay laging laman ng mga balita ng mga himpilan ng radyo, news websites at social media dahil sa mga paulit-ulit na mga kaso ng pamamaslang at mga enkwentro ng mga armadong grupo sa mga barangay na sakop nito.
Ayon sa kanyang mga kamag-anak at mga residente ng Barangay Sambulawan, masipag sa pagsasagawa ng sebisyo publiko si Abubakar at wala silang alam na siya ay may kagalit, o kinasasangkutang “rido,” o away ng mga angkan na Moro.
Nagtutulungan ang PRO-BAR at mga opisyal ng mga unit ng Philippine Army sa Salibo, sakop ng 6th Infantry Division, sa pagkilala sa mga pumatay kay Abubakar upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (Jan.4, 2025)