
Napatay ng magkasanib na mga pulis at mga barangay tanod sa engkwentro ang isang unang nakasugat ng dalawang magkapatid sa mga hiwalay na insidente sa isang bagong tatag na Bangsamoro municipality sa probinsya ng Cotabato nitong Biyernes.
Sa mga hiwalay na ulat ng Pikit Municipal Police Station sa Pikit, Cotabato at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), didisarmahan lang sana ng mapayapa ng mga pulis at mga barangay tanod si Ali Sansaluna matapos makasugat sa pamamaril ng dalawang residente ng Barangay Macabual sa Tugunan, ngunit nanlaban kaya nagkapalitan ng putok na nagsanhi sa kanyang pagkasawi.
Ayon sa mga saksi, unang pinagbabaril ni Sansaluna ang magkapatid na mga etnikong Moro na sina Tongz at Sahdin sa isang lugar sa Barangay Macabual sa Tugunan, sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, o BARMM, ngunit nasa bayan ng Pikit probinsya ng Cotabato sa Region 12.
Napatay si Sansaluna, taga Barangay Simone sa hindi kalayuang bayan ng Kabacan, Cotabato ilang minuto lang matapos niyang pagbabarilin ang dalawang magkapatid na mga biktimang parehong nasugatan ng malubha at ginagamot na sa isang hospital.
Inaalam pa ng mga magkasanib na mga imbestigador ng Pikit police force at ng mga operatiba ng PRO-BAR kung ano ang motibo ng nasawing si Sansaluna sa tangkang pagpatay sa magkapatid na mga taga Barangay Macabual. (Jan.4, 2025)