Police intelligent agent, pinaslang sa Cotabato City

Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang popular na police intelligence agent na pinagtulungang barilin ng mga salarin sa harap mismo ng kanyang pamilya sa parking area ng isang shopping mall sa Cotabato City nitong gabi ng Linggo, December 1, 2024.

Sa mga inisyal na ulat nitong Lunes ng mga opisyal ng Cotabato City Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, kaka-baba lang ni Master Sgt. Manuel Bongcawil at ng kanyang pamilya sa underground parking area ng City Mall at sasakay na sana sa kanilang kotse ng siya ay lapitan ng mga lalaking naka facemask at halinhinang pinaputukan ng mga .45 caliber pistol.

Si Bongcawil, nagtamo ng maraming mga merit at special citation medals kaugnay ng kanyang pagserbisyo bilang kasapi ng PRO-BAR, ay isang intelligence operative ng Maguindanao del Norte Provincial Office ng siya ay mapaslang.

Agad na namatay si Bongcawil sa harap mismo ng kanyang kabiyak at mga anak. Mabilis na nakatakas ang mga pumatay sa kanya gamit ang isang getaway vehicle.

May teorya ang kanyang mga kamag-anak at mga imbestigador ng Cotabato City police force na posibleng may kinalaman sa trabaho ang brutal na pagpatay sa kanya. (DEC.2, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *