
Sugatan ang isang engineer sa provincial government ng Maguindanao del Sur at kanyang driver sa isang ambush sa Barangay Kalawag II sa Isulan, Sultan Kudarat nitong umaga ng Lunes, December 2, 2024.
Sa mga mga hiwalay na pahayag ng Isulan Municipal Police Station at ng Sultan Kudarat Provincial Police Office isang oras matapos ang insidente, agad na naisugod sa isang hospital ang mga sugatang sina Engineer Esmael Amaroden Sangki at ang kanyang driver na si Asmodin Abitan Amelon upang malapatan ng lunas.
Sa inisyal na ulat ni Lt. Col. Lt. Col. Julius Malcontento, hepe ng Isulan municipal police, sakay ng isang pick-up truck ang dalawa, patungo sa kung saan, ng tambangan ng mga armado sa isang bahagi ng highway sa sentro ng Isulan, ang kabisera ng Sultan Kudarat.
Mabilis na nakatakas ang nag-ambush kina Sangki at Amelon, ayon kay Malcontento.
Ayon sa mga opisyal ng Police Regional Office-12, magtutulungan ang mga imbestigador ng Isulan police at mga local executives sa naturang bayan sa pagkilala sa mga nag-ambush kina Sangki at Amelon upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
Nasa kustodiya na ang sasakyan ng dalawang biktima ng ambush, makikita sa larawan. (Dec. 2, 2024)