
Tatlong mga Teduray ang namatay habang 31 na iba pa, ilan sa kanila mga bata, ang sumakit ang tiyan at nagsuka matapos kumain ng nilutong pawikan na nahuli sa karagatan ng Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao del Norte nitong Biyernes, November 29, 2024.
Ang mga biktima ay mga residente ng Barangay Linao sa Datu Blah Sinsuat, isang coastal municipality sa Maguindanao del Norte.
Mismong si Datu Blah Sinsuat Mayor Marshall Sinsuat ang nagkumpirma nitong Linggo na tatlong mga sakop niyang mga katutubong Teduray sa Barangay Linao ang nasawi sa pagkalason matapos silang sabay na kumain ng pawikan na kanilang iniluto sa isang lugar sa naturang barangay.
Nagpaabot na ang tanggapan ng mayor, sa pamamagitan ng isang ding local official, si Mohamad Sinsuat, ng inisyal na tulong sa mga pamilya ng tatlong Teduray na namatay sa pagkalason sanhi ng pagkain ng pawikan.
Muling nagbabala si Sinsuat nitong Linggo, sa pamamagitan ng mga himpilan ng mga radyo, ang pagbabawal ng kanilang LGU sa paghuli ng pawikan sa territorial seawater ng Datu Blah Sinsuat bilang suporta sa mga sea turtle conservation programs ng Department of Environment and Natural Resources at ng natural resources ministry ng Bangsamoro region. (December 1, 2024)