
Arestado ang isang barbero na nabilhan ng mga hindi unipormadong pulis ng P353,000 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Barangay Poblacion sa Tupi, South Cotabato nitong madaling araw ng Sabado, December 1, 2024.
Sa ulat ng Police Regional Office-12 nitong Linggo, hindi na pumalag si Joey Solinap Gabato ng arestuhin ng mga magkasanib na mga operatiba ng Tupi Municipal Police Station, ng South Cotabato Provincial Police Office at ng PRO-12 na kanyang nabentahan ng 53 gramo ng shabu sa isang entrapment operation sa Barangay Poblacion sa Tupi.
Naikasa ang naturang operasyon batay sa mga tip ng mga kakilala at mga kamag-anak ni Gabato na may alam sa kanyang malakihang pagbebenta ng shabu sa ibat-ibang bayan sa South Cotabato.
Maliban sa shabu na abot sa P353,000 ang halaga, nakumpiskahan din sa naturang entrapment operation ng isang .45 caliber pistol si Gabato na residente ng Sitio Guadalupe sa Carpenter Hill sa Koronadal City na siyang kabisera ng South Cotabato. (December 1, 2024) HANDOUT PHOTO