Wanted na mataas na NPA official, arrestado

Naaresto ng magkasanib na mga pulis at sundalo ang isang wanted sa ibat-ibang mga kaso na mataas na opisyal ng New People’s Army sa isang anti-terror operation sa Tagum City nitong Miyerkules, October 2, 2024.

Sa pahayag nitong Sabado ni Army Major Gen. Alex Hambala, commander ng 10th Infantry Division, nasa kustodiya na ng Police Regional Office-11 ang na-arestong si Porferio Dianco Tuna, Jr., natunton sa Purok Magkidong sa Barangay Mankilam, Tagum City sa tulong ng mga impormanteng alam ang kanyang presensya sa naturang lugar.

Si Tuna ang siyang second deputy secretary ng Southern Mindanao Regional Committee ng NPA na ang mga namumuno ay may mga kinakaharap din na mga kaso sa ibat-ibang korte sa Regions 10, 11 at 13.

Ayon kay Hambala, ang joint police-military operation na nagresulta sa pagka-aresto kay Tuna, wanted sa mga kasong multiple murder, frustrated murder, kidnappings, illegal detention at armed robbery, ay magkatuwang na naisagawa ng mga kasapi ng mga intelligence units ng 10th ID, mga operatiba ng Tagum City Police Office at PRO-11, at ng Criminal Investigation and Detection Group. (October 5, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *