
Nakumpiska ng mga pulis ang P6.8 million na halaga ng shabu sa mag-asawang nalambat sa sentro ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Sabado.
Kinumpirma nitong nitong Linggo ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na nasa kustodiya na nila sina Oks Ayunan Odin at Bellia Antilino Odin, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sila ay agad na inaresto matapos magbenta ng isang kilong shabu sa mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin at ng mga operatiba ng pulisya sa Datu Odin Sinsuat.
Unang inilatag ang entrapment operation sa Barangay Salimbao sa Sultan Kudarat, ngunit humiling ang mag-asawa na sa Dalican sa Odin Sinsuat na isagawa ang transaksyon ka doon sila naaresto ng mga hindi unipormadong mga pulis na sakop nila Madin at ni Lt. Col. Samuel Roy Subsuban, hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station.
Ayon kay Macapaz, naiplano nila Madin ang naturang operasyon sa tulong ng mga impormanteng alam ang pagbebenta ng shabu ng mag-asawang Odin. (November 10, 2024)