
Sa kulungan ang bagsak ng dalawang motoristang nakabangga ng motorsiklo ng pulis sa General Santos City nitong Lunes, September 16, 2024, ng mabistong may dala palang tuyong mga dahon ng marijuana na diumano nabili sa pamamagitan ng online transaction.
Nasa kustodiya na ng General Santos City Police Office ang 19-anyos na suspect na si Jay Mendoza Edoloverio at kasamang si Charlie Magne Mendoza.
Sa inisyal na pahayag nitong Martes ng tanggapan ni Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, unang aksidenteng nabangga ng motorsiklo ng mga suspects ang unipormadong naka-motorsiklong si Patrolman Dave Amistoso sa Barangay Labangal sa General Santos City.
Ayon sa mga saksi, may itinapon si Edoloverio na isang supot, na nadiskubreng may laman pala na marijuana, ng siya at ang may-ari ng kanyang sinasakyang motorsiklo na si Mendoza ay sinita ng kanilang nabangga na si Amistoso mismo dahil sa pareho silang walang suot na mga crash helmets.
Agad namang inaresto ni Amistoso at mga barangay officials na nagresponde sa insidente ang magkamag-anak na sina Edoloverio at Mendoza, na umamin na sa mga imbestigador ng General Santos CPO at ng PRO-12 na nabili nila ang marijuana na nakumpiska sa kanila sa pamamagitan ng online transaction. (Sept. 17, 2024)