
Ikinagalak ng marami sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang pagbigay ni President Ferdinand Marcos, Jr. ng basbas, bilang kanyang mga kandidato, sa limang mga leaders na naghain ng Certificate of Candidacy para sa pagka-governor at vice governor ng limang probinsya sa BARMM.
Itinaas pa ni Pangulong Marcos ang mga kanang mga kamay, isa-isa, ng kanyang mga kandidato na sina Mamintal Adiong, Jr. (Lanao del Sur governor); Hadjiman Salliman (Basilan vice governor); Ali Midtimbang (Maguindanao del Sur governor); Tucao Mastura (Maguindanao del Norte governor) at Esmael Sali (Tawi-Tawi governor) matapos silang mag pulong mismo sa Malacañang nito lang Huwebes, October 24, 2024.
Si Adiong at Sali ay mga reelectionist governor ng Lanao del Sur at ng Tawi-Tawi ayon sa pagkakasunod habang si Mastura naman ay kandidato pagka-governor, sa kauna-unahang pagkakataon, ng Maguindanao del Norte. Si Midtimbang, na mula sa isang noble Maguindanaon clan, ay first time din na kakandidato sa pagka-governor ng Maguindanao del Sur.
Sa mga ulat ng ibat-ibang mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong umaga ng Martes, maraming residente ng BARMM, kabilang sa kanila mga Islamic preachers, mga traditional Moro leaders at mga mayors ang nagpahayag ng kasiyahan sa ginawa ng Pangulong Marcos at nagpasalamat sa kanyang bendisyon para sa kandidatura ni Adiong, Salliman, Midtimbang, Mastura at Sali.
Si Adiong ay isang mataas na opisyal ng pinaka-unang regional party sa BARMM, ang Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo, o SIAP Party. Sa tala, 28 sa 39 mayors ng Lanao del Sur ay kasapi ng SIAP Party. (October 29, 2024)