
Nakatakda ng ibabalik sa Biñan City sa Laguna ang isang suspect sa pagpatay noong June 2019 ng isang residente doon na naaresto sa Barangay Buadi Didingun sa Taraka, Lanao del Sur nitong nakalipas na linggo.
Kinumpirma nitong Lunes, October 28, 2024, ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na nasa kustodiya na ng Taraka Municipal Police Station si Esmael Sultan, wanted sa kasong pagpatay kay Karl Laurence Demerey sa Biñan City sa Laguna limang taon na ang nakakalipas.
Si Sultan, isang Maranao, ay natunton sa kanyang pinagtataguan ng magkasanib na mga operatiba ng ibat-ibang unit ng PRO-BAR at ng mga tropa ng 5th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Eduard Sia-ed.
Hindi na pumalag si Sultan ng pakitaan ng warrant of arrest para sa kanya na mula pa sa Regional Trial Court Branch 152 sa Biñan City sa Laguna, may lagda ni Judge Jaime Banatin.
Dalawa sa mga kasabwat ni Sultan na pareho din niyang mga Maranao ang una ng naaresto ng mga kasapi ng Biñan City Police Office ilang araw matapos nilang mapatay si Demerey sa naturang lungsod noong 2019. (October 29, 2024)