
Agad na nakulong ang isang drug den operator at dalawang niyang kasabwat matapos mabilhan ng P34,000 na halaga ng shabu sa isang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Maligaya sa Lamitan City, Basilan nitong Biyernes, November 29, 2024.
Sa pahayag nitong Linggo ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang mga na-entrap na sina Randy Largo Sagadsad, Ryan Paredes Lequin at Rovert Rivero Aboy ay na nasa magkatuwang na kustodiya na ng PDEA-BARMM at ng Lamitan City Police Station.
Ayon kay Castro, agad na inaresto ang tatlo ng mga PDEA-BARMM agents at ng mga pulis na kanilang nabentahan ng P34,000 na halaga ng shabu sa isang anti-narcotics operation sa Purok 5 sa Barangay Maligaya sa Lamitan City.
Pinasalamatan ni Castro nitong Linggo si Mayor Roderick Furigay, na siyang chairman ng Lamitan City Peace and Order Council. at si Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz director ng Bangsamoro regional police, sa kanilang suporta sa naturang operasyon na nagresulta din sa agarang pagkakasara ng drug den ng tatlong naka-detine ng mga shabu dealers. (December 1, 2024)