
Patay ang mag-asawa at kanilang pamangkin sa sanhi ng banggaan ng kanilang sasakyan at kasulubong na truck habang patawid sa isang tulay sa Pangantucan, Bukidnon nitong hapon ng Huwebes, December 19, 2024.
Sa ulat nitong Biyernes ng Bukidnon Provincial Police Office, ang mga biktimang sina Argon Bangit at kanyang kabiyak na si Sonia at ang kanilang menor-de-edad na pamangkin na si Shammah Jyra Mendoza Sumalinog ay magkasama sa isang kulay puti na van na nabangga ng isang hauler truck na kargado ng tubo na ihahatid sana sa isang sugar mill sa isang bayan sa Bukidnon.
Wasak ang van ng mga biktima at halos mahulog na sa Pangantucan Bridge habang bumaliktad naman sa gitna nito ang hauler truck na sangkot sa aksidente.
Ayon sa mga imbestigador ng Pangantucan Municipal Police Station, posibleng nawalan ng control ang isa sa mga driver ng dalawang sasakyan kaya naganap ang banggaan na nagsanhi ng pagkasawi ng mag-asawang Bangit at ng kanilang pamangkin. (December 20, 2024, handout photo)