
Napatay sa ambush sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur nitong Huwebes ang kabiyak ng isang Dulangan-Manobo tribal leader na una ng pinatay ng armadong grupo nito lang nakalipas na linggo.
Agad na namatay sa mga tama ng bala sina Baiwan Banog Angan, na isa ring tribal leader, at ang kanilang driver na si Ricky Tapioc, ng tambangan ng mga armado sa Sitio Iskagit sa Barangay Sayap sa Datu Hoffer.
Sa inisyal na mga ulat nitong Biyernes ng Maguindanao del Sur Provincial at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, galing sa poblacion ng Datu Hoffer sina Angan at si Tapioc at pauwi na sana sa Barangay Mantao ng tambangan ng mga armado na nakaabang sa kanila sa Sitio Iskagit at mabilis ding nakatakas.
May paniwala ang mga Teduray at mga Dulangan-Manobo tribal leaders sa Datu Hoffer at sa ilang mga bayan sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur at Sultan Kudarat na ang mga nag-ambush kina Angan at Tapioc ay ang mga pumatay din sa kanyang kabiyak na si Baywan Angan.
Si Baywan, isang ding tribal leader, ay pinasok sa loob ng kanilang bakuran ng mga armado at binugbog muna bago pinagbabaril habang nakataas ang dalawang mga kamay at nakikiusap na huwag siyang patayin.
Si Baywan, na dating barangay councilor sa Mantao sa Datu Hoffer, ay kilala sa kanyang masigasig na suporta sa mga programang naglalayong maprotektahan ang mga ancestral lands ng mga Teduray at mga Dulangan-Manobo laban sa mga armadong pumapasok ng walang pahintulot at umaangkin ng mga sakahan ng mga kasapi ng dalawang etnikong tribo. (Dec. 20, 2024)