BARMM parliament member, namigay ng mga kambing sa 4 cooperatives

Apat na mga livelihood cooperatives na mga Moro ang kasapi ang nabiyayaan nitong Huwebes, November 28, 2029, ng ayudang pangkabuhayan mula sa tanggapan ng manggagamot na kasapi ng Bangsamoro parliament, si Kadil Monera Sinolinding, Jr.

Si Doctor Sinolinding, maliban sa pagiging Bangsamoro parliament member, ay kasalukuyan ding naninilbihan bilang minister ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Namigay ang tanggapan ni Member of Parliament Sinolinding, sa pamamigitan ng mga staff members nito, ng 55 na mga kambing na pang-breeding upang maparami at pagkakitaan ng mga miyembro ng apat na mga kooperatibang kinaaaniban ng mga Moro na mga residente ng ilang mga barangay sa Sultan Kudarat at sa Sultan Mastura na parehong sakop ng Maguindanao del Norte.

Tatlo sa naturang apat na mga cooperatives, ang Macaguiling First Unit Agriculture Cooperative, ang Bangsamoro Uyag-uyag Livelihood Producers Cooperative at ang Amanah Medical Service Cooperative ay nasa sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ang pang-apat, ang BIWAB sa SM Farmers Producers Cooperative, ay naka-base naman sa Sulon sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.

Ang mga kambing na pinamigay ng tanggapan ni Member of Parliament Sinolinding ay binili mula sa pondo ng kanyang tanggapan sa 80-seat Bangsamoro parliament.

Katuwang ng kanyang tanggapan sa naturang livestock dispersal project ang Bangsamoro agriculture and fisheries ministry. (November 29, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *