Guro na barangay treasurer, napatay sa Pikit, Cotabato

Isang guro na treasurer din ng isang Bangsamoro barangay ang agad na namatay ng pagbabarilin sa Inug-ug sa bayan ng Pikit, Cotabato nitong hapon ng Miyerkules, December 18, 2024.

Ilang tama ng mga bala ang tinamo ng biktimang si Yasser Mama Abdullah sanhi ng naturang pananambang sa Barangay Inug-ug, hindi kalayuan sa poblacion ng Pikit, kung saan mahigit 50 na ang mga napatay sa mga serye ng pamamaril mula 2022, lahat walang naging kalutasan.

Si Mama, residente ng Barangay Macabual sa bagong tatag na bayan ng Tugunan na sakop ng Bangsamoro region ay guro sa Noorul Eilm Academy Foundation Incorporated sa Pikit na sakop ng Cotabato province na nasa teritoryo ng Region 12.

Siya ay barangay treasurer din ng Macabual sa Tugunan, isa sa walong bagong tatag na Bangsamoro municipalities sa probinsya ng Cotabato.

Unang napatay sa ambush sa Barangay Inug-ug din, mga tatlong linggo pa lang ang nakakalipas, ang magkaklaseng sina Rafael Abu Indong at Muslimin Nanalong, mga estudyante ng paaralan kung saan guro ang napaslang na si Abdullah.

Magka-angkas sa motorsiklo, patungo sana ang mga Grade 11 students na sina Indong at Nanalong sa campus ng Noorul Eilm Academy Foundation Incorporated ng sila ay pinagbabaril ng mga armadong nakaabang sa gilid ng kalye sa Barangay Inug-ug.

Ang naturang madugong ambush incident ay nananatiling nakatala lang Pikit Municipal Police Station, hindi pa rin nalulutas hanggang sa kasalukuyan. (December 19, 2024) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *