
Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang tatlo niyang mga kasama at dalawang arestadong crime suspects ng maaksidente ang kanilang sinasakyang police vehicle Barangay Gang sa Sultan Kudarat, Mauindanao del Norte nitong gabi ng Linggo, December 8, 2024.
Sa ulat nitong Lunes ni Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, pumanaw sa isang pagamutan ang isa sa anim na mga biktima ng naturang aksidente, si Cpl. Cairodin Pualas Rumidas, na kabilang sa mga tropa ng Buldon Municipal Police Station sa Buldon, Maguindanao del Norte.
Galing sa Police Regional Forensic Unit-Bangsamoro Autonomous Region sa PC Hill sa Cotabato City sina Rumidas at mga kasama kung saan kanilang pina-drug test ang mga crime suspects na sina Jehar Mauyag Panot at Saidin Sulaiman Panot at pabalik na sana sa Buldon ng biglang nawalan ng control ang driver ng police vehicle na si Corporal Baseron Aratuc dahil sa naging madulas ang highway sa Barangay Gang sa Sultan Kudarat dulot ng malakas na ulan kaya ito biglang lumihis at nakabangga ng isang bahay.
Nagtamo ng mga sugat at pasa sa kanilang mga katawan sanhi ng aksidente ang dalawang suspects na pina-drug test at ang kanilang mga escorts na sina Patrolman Diamalodin Busran Esmail, Patrolman Ismael Abdul Tagadaya at Staff Sgt. Musa Calocop.
Ayon sa director ng Bangsamoro regional police, si Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, magpapaabot sila ng ayuda sa pamilya ni Rumidas, residente ng Parang, Maguindanao del Norte, mga 15 kilometro ang layo sa poblacion ng Buldon kung saan siya nakadestino. (December 9, 2024)