
Patay ang isang truck driver at pitong iba pa matapos araruhin ng kanyang 10-wheeler truck ang mga bahay at sasakyan sa gilid ng highway sa bayan ng Makilala sa probinsya ng Cotabato nitong umaga ng Huwebes.
Sa inisyal ulat ni Lt. Col. Rolly Oranza, hepe ng Makilala Municipal Police Station, at ng mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office isang oras matapos ang aksidente, nawalan ng preno ang truck na minamaneho ni Leopoldo Ibañez, may kargang commercial fertilizers, habang pababa mula sa mataas na lugar sa Barangay Malasila, kaya nito nasapol ang ilang sasakyan at mga bahay sa gilid ng highway.
Agad na namatay si Ibañez sanhi mga sugat na tinamo nito sa pagkakabangga ng kanyang truck sa mga malaking sasakyang at ilang mga bahay sa gilid ng highway.
Maliban kay Ibañez, pitong iba pa, kabilang sa kanila si Joey Pamplona, kanyang kabiyak na si Tina at kanilang anak na si Jeremiah na isang kindergarten pupil, ang nasawi sa aksidente.
Nagpadala na si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ng mga kawani ng kanilang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang magpaabot ng inisyal na ayuda sa mga biktima ng aksidente.
Ayon kay Mendoza, inatasan na niya ang mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office na obligahin ang may-ari ng ten-wheeler hauler truck na tumulong sa pagpapalibing ng mga residente ng Barangay Malasila na namatay sa aksidente. (Dec. 5, 2024)