Agad na namatay sa mga tama ng bala ang dalawang barangay tanod ng tambangan ng mga armadong kalalakihan sa isang liblib na lugar Barangay Tumahubong sa Sumisip, Basilan nitong hapon ng biyernes, October 25, 2024.
Sa ulat nitong Sabado ng Basilan Provincial Police Office kay Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, patay agad sina Hasid Dohong Bidalul at Ridzman Saratul Asdaman ng tambangan ng mga armadong naka-puwesto sa gilid ng kalye sa isang lugar sa naturang barangay.
Ang dalawa ay mga aktibong miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na nasa pamamahala ng local government unit ng Sumisip, isa sa 11 na mga bayan sa Basilan na may sakop din na dalawang lungsod, ang Lamitan at Isabela.
Nagtutulungan na ang mga barangay officials ng Tumahubong at at mga imbestigador ng Sumisip Municipal Police Station sa pagkilala sa mga nag-ambush sa dalawa upang masampahan ng kaukulang mga kaso, ayon kay Macapaz.
Ang napaslang na mga etnikong Yakan na sina Bidalul at Asdaman ay kilala sa kanilang masigasig na suporta sa anti-illegal drugs campaign ng Sumisip municipal government, ayon sa mga lokal na kinauukulan. (JFU, October 26, 2024, with handout Facebook image)