Abot sa P53 million na halaga ng mga proyekto ng tanggapan ni Bangsamoro Parliament Member Romeo Sema ang pinasinayaan habang ang iba naman ay inilunsad nitong Huwbes, October 24, 2024, sa Barangay Poblacion 8 sa Cotabato City.
Mas kilala ang Barangay Poblacion 8 sa Cotabato City bilang “Kakar,” ang sentro ng madugong labanan ng guerilla ng Moro National Liberation Front at ng mga tropa ng pamahalaan mula 1973 hanggang 1975, kung saan hindi bababa sa 300 na mga sundalo at mga kasapi ng MNLF ang nasawi, maliban pa sa mga nasugatan sa naturang mga engkwentro.
Naging makulay ang okasyon nitong Huwebes sa Barangay Poblacion 8, inorganisa ng tanggapan ni Parliament Member Sema at ng mga barangay officials, dinaluhan ng mga mataas na opisyal mula sa Central Office sa Metro Manila ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at mga kinatawan ng Bangsamoro regional government, kabilang sa kanila ang mataas ang posisyon na si Von Al-Haq, na isa ding ranking member ng Moro Islamic Liberation Front.
Si Member of Parliament Sema, isa sa 80 na miyembro ng Bangsamoro parliament, ay kasapi naman ng MNLF na may kasunduang pangkapayapaan sa Malacañang.
Pormal ding ipinakita noong Huwebes sa mga residente ng Barangay Poblacion 8 nila Member of Parliament Sema, ni Mr. Al-Haq ng national officials ng OPAPRU ang isang bagong ambulansya na binili mula sa pondo ng kanyang tanggapan bilang miyembro ng parliament, at gagamiting pang serbisyo publiko para sa mga residente ng naturang lugar. (October 27, 2024)