
Apat pa na mga kasapi ng lokal na teroristang grupo sa Maguindanao del Sur, mga bihasa sa paggawa ng improvised explosive devices, ang sumuko nitong Sabado at nangakong magbagong buhay na.
Pumayag ang apat na tumiwalag na sa Dawlah Islamiya sa pakiusap ng mga municipal executives sa Datu Saudi Ampatuan at mga karatig na bayan sa Maguindanao del Sur at ng mga opisyal ng 92nd Infantry Battalion.
Sa pahayag nitong Lunes ni Major Gen. Antonio Nafarrette, commander ng 6th Infantry Division, nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ang apat, sa harap ng commanding officer ng 92nd IB at ilang local officials, matapos na isuko ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang M14 rifle, isang M16 rifle, isang gauge 12 Shotgun, isang bolt-action Barrett sniper rifle at mga gamit sa paggawa ng malalakas na uri ng mga IED.
Sa pinakabagong tala, 728 na na mga miyembro ng magka-alyadong Dawlah Islamya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at 397 naman na mga kasapi ng New People’s Army ang magkatuwang na napasuko, mula 2017, ng mga unit ng 6th ID at mga mayors sa ibat-ibang bayan sa Central Mindanao. (Sept.2, 2024, photo only for visual aid)