
Patay sa mga tama ng bala at mga shrapnel ng rifle grenades ang 19 katao mula sa dalawang grupong Moro, parehong may combat weapons na walang mga dokumento, na nagkaengkwentro sa Barangay Kilangan sa Pagalungan, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Miyerkules, October 30, 2024.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang isa sa dalawang nagbarilan na mga grupo ay pinamumunuan ni Engineer Alonto Sultan habang ang isa naman ay sakop ng isang commander ng Moro Islamic Liberation Front na si Ikot Dandua at isa pang pansamantalang nakilala lang na Bawsi na marami ding tauhan na mga kasapi ng MILF.
Kinumpirma ng mga local executives at ng pulisya na 19 ang nasawi sa magkabilang panig at hindi bababa sa 2,000 naman na mga inosenteng residente ang apektado ng kaguluhan.
May direktiba na ang commander ng 6th Infantry Division, si Major Gen. Antonio Nafarrete, sa 602nd Infantry Brigade na sakop ang Pagalungan at mga kalapit na bayan, na tumulong sa sa pulisya at mga local officials na maayos ang kaguluhan sa tradisyonal na pamamaraan.
Matagal ng may alitan sa control ng 280 ektaryang lupa sa Sitio Gageranin sa Barangay Kilangan sa Pagalungan ang dalawang grupo. Iginigiit nila Sultan na ang naturang lupa ay sa kanila ngunit. Ayon sa mga residente ng naturang lugar, mga ninuno nila ang nagsasaka sa naturang mga mga lupain bago na sumiklab ang Mindanao Moro rebellion apat na dekada na ang nakalipas.
Sa ulat ng mga barangay officials at ng mga opisyal ng pulisya sa probinsya, unang nagka-tensyon sa Sitio Gageranin ng muling igiit ng grupo nila Sultan ang kanilang pagmamay-ari ng lupang pinag-aawayan kung saan pumalag ang kabilang panig kaya sumiklab ang palitan nila ng putok gamit mga M16 at M16 assault rifles.
Nagsisikap na ang local government unit ng Pagalungan, ang 90th Infantry Battalion at ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na maayos ang sigalot na nakaapekto ng hindi bababa sa 2,000 na mga residente ng naturang barangay. (October 31, 2024)