Nagsimula na nitong Miyerkules ang joint Philippine-Indonesian military exercise sa Camp Siongco sa Maguindanao del Norte na naglalayong mapalakas ang kooperasyon sa pagpapalaganap ng kapayapaan ng Army forces ng dalawang bansa.
Sa pahayag nitong Huwebes, August 29, 2024, kinumpirma ni Major Gen. Antonio Nafarrette, commander ng 6th Infantry Division, na magkatuwang na pinasimulan ang naturang aktibidad ng dalawang opisyal ng 6th ID na sina Col. Edgar Catu at Col. Jose Ambrosio Rustia at ni Indonesian Army Col. Yoki Malinton Kurniafari ng the 11th Infantry Brigade Badik Sakti ng Tentara Nasional Indonesia Angkatan Darat.
Ang naturang exercise, tinaguriang PHILINDO STRIKE IV-2024, ay naka-focus sa public safety enforcement, anti-terror, emergency response at community peacebuilding maneuvers ng mga kalahok na mga kasapi ng mga units ng 6th ID at mga sundalong mula sa hanay ng Indonesian Army.
Gagawin ang kanilang mga drills at tactical maneuver studies sa Camp Siongco sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte sa Bangsamoro region kung saan naroon ang headquarters ng 6th ID.
Ayon kay Nafarrete, ang PHILINDO STRIKE IV-2024 ay magpapalakas sa security coordination ng Pilipinas at ng Indonesia.