
Handa ng sumabak sa 2025 regional parliamentary elections ang Bangsamoro Party ng Moro National Liberation Front na may peace agreement sa pamahalaan at kasalukuyang katuwang ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front sa pamamalakad nito ng autonomous government na naitatag bilang bahagi ng Mindanao peace process ng Malacañang.
Ang Bangsamoro Party, mas kilala na BAPA, isang regional party na rehistrado sa Commission on Elections at pinamumunuan ni Bangsamoro Labor Minister Muslimin Sema na chairman din ng MNLF, ay naghain nitong Biyernes, November 8, ng Manifestation of Intent to Participate in the 2025 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections sa tanggapan ng Comelec sa kapitolyo ng BARMM sa Cotabato City.
Sa mga ulat nitong Sabado ng mga himpilan ng mga radyo sa Central Mindanao at sa mga probinsya at mga lungsod ng BARMM, may mga kandidato na ang BAPA para sa BARMM parliament na may 80 na mga miyembro. Hindi kumandidato para sa parliamento si Sema na isa sa mga founders ng partido.
Muling pinaalalahanan ni Sema at ng iba pang mga opisyal ng BAPA ang kanilang mga kandidato, mga miyembro at suporters sa limang probinsya at tatlong lungsod sa BARMM hinggil sa regulasyon ng partidong nagbabawal sa paggamit ng social media at mainstream media platforms sa pagtuligsa, o paninira ng ibang regional parties at ng mga kandidato lalo na sa panahon na kampanya.