P20.4-M halaga ng shabu nasamsam ng PDEA-BARMM sa Jolo

Arestado ang isang barangay kagawad matapos magbenta ng P20.4 million na halaga ng shabu sa magkasanib na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at mga pulis sa isang entrapment operation sa Barangay Tulay sa Jolo, Sulu nitong hapon ng Huwebes, October 10, 2024.

Kinumpirma nitong Biyernes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkakalambat sa naturang operasyon ni Kaiber Jailani Yusop, isang barangay kagawad sa Lakit sa bayan ng Panamao sa Sulu.

Ayon kay Castro, hindi na pumalag si Yusop ng arestuhin ng kanilang mga hindi unipormadong mga agents at mga kasapi ng ibat-ibang police units ng Sulu Provincial Police Office at ng Jolo Municipal Police Station matapos silang bentahan nito ng tatlong kilong shabu, nagkakahalaga ng P20.4 million, sa isang lugar sa Barangay Tulay sa Jolo na siyang provincial capital ng Sulu.

Maliban sa P20.4 million na halaga ng shabu, nakunan din ng PDEA-BARMM agents si Yusop ng isang motorsiklong Honda CRF 150, at mga cellphone na may pangalan ng kanyang mga pinagbebentahan ng shabu sa ibat-ibang bayan sa probinsya ng Sulu. (October 11, 2024) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *