P2.8-M ninakaw sa BARMM parliament member, nabawi

Nabawi nitong Biyernes, August 30, 2024, ng mga pulis ang abot sa P2.8 million na cash at mga alahas na ninakaw ng isang grupo sa tahanan sa Cotabato City ng isang kasapi ng Bangsamoro parliament.

Kinumpirma nitong Sabado ni Col. Joel Estaris, Cotabato City police director, ang pagkabawi ng naturang pera at mga alahas ng abugadang si Sittie Fahanie Uyod, Bangsamoro parliament member, mula sa dalawa sa siyam na nanloob sa kanyang tahanan sa 6th Street sa Barangay Rosary Heights 6 apat na linggo na ang nakalipas.

Unang naiulat na hindi bababa sa P15 million na halaga ng cash at alahas ang natangay ng grupo ng mga sumukong robbery suspects na sina Bandar Karon at Rodz Musa na mga kasambahay ni Oyod.

Pinangunahan diumano ni Army Cpl. Saddam Mustapha, kasapi ng isang unit ng 6th Infantry Division at naka-detail na security escort ni Oyod, ang panloloob sa kanyang tahanan habang sila ng kanyang kabiyak ay nasa byahe sa Metro Manila.

Nabawi din ng mga mga pulis sa mga serye ng mga operasyon ang anim na mga bagong motorsiklong nabili nila Mustapha at mga kasabwat gamit ang perang kanilang nakuha sa kaha-de-yero nila Oyod na kanilang nabuksan ng sapilitan.

Sa ulat ng mga himpilan ng radyo sa Cotabato City nitong Sabado, nasa kustodiya na diumano ng 6th ID si Mustapha at nakatakda ng ihaharap sa mga opisyal ng lokal na pulisya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *