Nakumpiska ng mga pulis at barangay officials ang abot sa P1.7 million na halaga ng imported na mga sigarilyo sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Kayok sa Liloy, Zamboanga del Norte nitong Huwebes, August 29, 2024.
Sa pahayag nitong Sabado ni Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, unang napuna ng mga residenteng nakatira sa bandang dalampasigan ng Barangay Kayok ang naturang kontrabando, ihinatid doon ng mga smugglers gamit ang sasakyang pandagat at nakatakda ng kunin sana ng kanilang mga contacts sa naturang bayan.
Ayon kay Masauding, agad na kinumpiska ng mga barangay officials at mga kasapi ng Liloy Municipal Police Station ang natagpuang 30 na malalaking mga kahon na may lamang ibat-ibang mga brands ng sigarilyong gawa sa Indonesia, nagkakahalaga ng P1.7 million.
Nakatakda ng ipa-kustodiya sa Bureau of Customs ang naturang mga smuggled na sigarilyo ayon kay Masauding.