Mga taga Lanao del Sur, masaya sa pagtutol ng korte na magtatag ang BARMM ng 3 bayan sa Maguindanao del Norte

Naging mas inspirado ang mga residente ng Wao sa Lanao del Sur sa kanilang pakikibaka laban sa panukala ng Bangsamoro parliament na hatiin sa dalawa ang kanilang bayan kasunod ng Supreme Court ruling na sumupalpal sa plano nitong magtatag ng tatlong mga bayan sa Maguindanao del Norte.

Sa pahayag nitong Martes, August 20, 2024, ng spokesperson ng Supreme Court na si Attorney Camille Sue Mae Ting, unconstitutional, o labag sa batas ang tatlong panukala ng BARMM parliament — ang Bangsamoro Autonomy Acts 53 at 54 at 55 — na naglalayong itatatag, sa pamamagitan ng plebisito, ang mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran at Sheik Abas Hamza na sasakop sa ilang mga barangay sa Datu Odin Sinsuat, ganun din ang panukalang Nuling municipality, na saklaw sana ang ilang mga barangay sa Sultan Kudarat. Parehong nasa Maguindanao del Norte province ang mga bayan ng Datu Odin Sinsuat at Sultan Kudarat.

Isang hindi gaanong kilalang member ng BARMM parliament, si Ali Montaha Babao, ang siyang nag-author ng Parliament Bill 271, o panukalang itatag ang Pilintangan municipality na sasakop sa ilang mga barangay ng Wao ng wala man lang prior consultation sa mga taga roon, bilang respeto sa kanila, upang malaman niya sana kung sila ay sang-ayon sa kanyang mag-isang inisyatibo, na malinaw na walang suporta ng publiko.

Si Wao Mayor Elvino Balicao, Jr., at mga Christian at Muslim leaders na sakop niya, marami sa kanila mga Maranao tribal at religious leaders, ang nagpahayag nitong Huwebes ng kagalakan sa naging desisyon ng Supreme Court na nag-atas sa Commission on Elections na huwag ituloy ang gaganapin sanang mga plebisito ngayon September 2024 sa Datu Odin Sinsuat at sa Sultan Kudarat kaugnay ng pagtagtag ng mga bayan ng Datu Sinsuat Balabaran, Sheik Abas Hamza at Nuling dahil malinaw na labag sa batas ang naturang mga panukala.

Ayon kay Mayor Balicao, may plano silang magsasagawa ng pulong-pulong ng kanyang mga constituent-leaders at kanilang mga kaibigan na mga abugado upang matalakay kung paano nila ipapa-basura sa legal na proseso ang nais ng BARMM parliament, ayon sa panukala ni parliament Member Babao, na magtatag ng Pilintangan municipality na sasakop sa ilang mga bayan sa Wao.

Ayon sa ilang mga kilalang mga Maranao local government officials sa Lanao del Sur, walang malinaw na political connections at mga tagasunod si BARMM parliament member Babao sa kanilang probinsya at nadinig lang ang kanyang pangalan sa mga balita noong nagsagawa ng malawakang protest rallies ang mga residente ng Wao bilang pagtutol sa kanyang panukalang hatiin sa dalawa ang kanilang bayan. (August 22, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *