Nagkasundo ang Philippine Marine Corps ng Philippine Navy at ang 6th Infantry Division ng Philippine Army na palawigin pa ang kanilang magkatuwang na pagsulong ng mga programang magpapanatili ng kapayapaan sa ilang bayan sa Lanao del Sur at Maguindanao del Norte at mga barangay na sakop ng Cotabato City.
May mga tropa ang 1st Marine Brigade sa ilang mga bayan sa naturang dalawang probinsya at sa Cotabato City na lahat sakop ng 6th ID, ang pinakamalaking unit ng Philippine Army sa Central Mindanao.
Nagpulong nitong Huwebes sina Navy Major Gen. Arturo Rojas, commandant ng Philippine Marine Corps, at ang commander na 6th ID na si Major Gen. Antonio Nafarrete sa headquarters ng 6th ID sa Camp Siongco sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kung saan sila ay nagkasundo na mas palawigin pa ang kanilang pagtutulungan sa mga lokal na programang tinatangkilik ang peace process ng pamahalaan at ng Moro communities.
Naging mabunga ng kooperasyon, nitong nakalipas na ilang taon, ng mga unit ng 1st Marine Brigade at ng 6th ID sa paghikayat sa mga violent religious extremists at mga lokal na terorista na magbagong buhay na at sa pag-areglo mga away ng mga lokal na mga angkan, o “rido,” sanhi ng pulitika, agawan ng teritoryo at iba pang mga kadahilanan.
Malawak ang kaalaman ni Major Gen. Roxas hinggil sa Mindanao Moro issue at ng mga kultura ng mga Moro, mga non-Moro at mga indigenous communities sa Central Mindanao dahil siya ay taga Koronadal City na kabisera ng probinsya ng South Cotabato.