Madugong ‘rido’ ng dalawang grupong Moro, naareglo

Dalawang grupo ng mga armadong Moro na may madugong “rido” ang nagkasundo na nitong Martes na muling mamuhay ng tahimik sa Barangay Lagunde sa bagong tatag na bayan ng Tugunan sa probinsya ng Cotabato.

Ang rido, o away ng mga angkan, na kinasasangkutan ng mga grupo nila Sabaya Nando at Walu Bungay, parehong mga commander ng Moro Islamic Liberation Front, ay magkatuwang na naareglo ng mayor ng Tugunan na si Abdullah Abas at mga kasapi ng kanilang municipal council, ng mga opisyal ng 90th Infantry Battalion at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ni Army Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, nangako sa kanilang mayor ang dalawang MILF commanders na kanilang kakalimutan na ang kanilang rido at muling mamuhay ng tahimik matapos magka-engkwentro ng ilang beses na nagsanhi ng pagkalagas ng ilan sa kanilang mga tauhan.

Ang away ng mga grupo nila Nando at Bungay, malapit na magkamag-anak, ay nag-ugat sa agawan ng teritoryo at politika.

Lumagda sila sa isang peace covenant nitong Martes bilang suporta sa mga peace and development programs ng municipal government ng Tugunan na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa mga probinsya ng Region 12. (January 15, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *