CEBU CITY- Arestado ang isang kolehiyala matapos ipagkalat na may nakatanim na bomba sa loob ng unibersidad na pinapasukan nito, iniulat nitong Sabado sa Cebu City.
Dinakip ng mga operatiba ng Cyber Crime Division- NBI Manila at NBI CEBDO Mandaue/CEVRO ang suspek na itinago sa pangalang Chloe, 19, first-year student sa kursong Early Childhood Education sa Cebu Technological University (CTU) main campus, at residente ng Barangay Tawason, Mandaue City.
Noong Lunes, lumabas sa Facebook account ng suspek na may itinanim na bomba sa loob ng naturang unibersidad.
Ayon kay Rennan Augustus Oliva, hepe ng National Bureau of Investigation-Central Visayas (NBI-7), nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law in relation to Section 6 ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act at posibleng makulong ng anim na taon.
Pinayagan naman ng korte ang suspek na magbayad ng halagang P30,000 bilang piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan.
Sa pahayag ni Marvey Arnoco-Ocampo, CTU Dean of Students’ Affairs, magsasagawa din sila ng imbestigasyon para malaman na posibleng may taong nasa likod ng bomb threat.
Source: Remate Online, October 26, 2024, Mary Anne Sapico