Kantiyawan nauwi sa barilan, 2 patay, 2 sugatan

Agad na namatay sa mga tama ng bala ang dalawang magpinsan na mga Maranao habang sugatan naman ang kanilang dalawa pang mga pinsan sa kanilang barilan sa Balabagan, Lanao del Sur nitong Linggo.

Sa ulat nitong Martes ni Brig. Gen. Romeo Jaime Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagsisikap na ang local government officials at ang mga kasapi ng Balabagan Municipal Police Station na ma-resolba ang naturang madugong rido, o family feud, sa tulong ng mga traditional Maranao elders.

Kantiyawan lang diumano sa Social Media ang pinag-ugatan ng kanilang away, ayon sa pulisya at mga Maranao religious leaders na tumutulong na maayos ang away ng dalawang grupong magkamag-anak.

Sa mga inisyal na pahayag ng Balabagan MPS at ng Lanao del Sur Provincial Police Office, nasawi sa naturang engkwentro ng mga magkakamag-anak na sina Mandih at Nhor habang sugatan naman ang kanilang mga pinsan na sina Abdul at Nash.

Agad namang gumanti ang mga kamag-anak ng mga nasawi at kanilang sinunog ang sasakyan ng mga nakapatay sa dalawa at isang bahay na malapit sa kinaroonan nito.

May mga emisaryo ng pinadala ang mga mayor ng mga magkatabing bayan ng Balabagan at Kapatagan sa Lanao del Sur upang kausapin ang mga nakakatandang mga miyembro ng dalawang pamilya na mag-ayos na sa tradisyonal na pamamaraan. (NOV. 12, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *