
Isang ginang na sakay ng motorsiklo, kahahatid lang ang anak sa paaralan, ang walang awang napatay sa ambush sa Barangay Sudapin sa Kidapawan City nitong umaga ng Biyernes, January 10, 2025.
Sa inisyal na ulat ng Kidapawan City Police Office nito ding Biyernes, sakay ng kanyang motorsiklo si Mae Angeline Agapay Batingkay, pauwi na mula sa Suerte Elementary School, ng tambangan ng dalawang lalaki sa isang bahagi ng isang kalye sa Barangay Sudapin.
Agad na namatay sa mga tama ng bala si Batingkay, residente ng Barangay Magsaysay sa Kidapawan, sanhi ng naturang pananambang.
Mabilis na nakatakas ang mga pumatay sa biktima gamit ang isang motorsiklo.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Kidapawan police force at ng Cotabato Provincial Police Office kung sino ang mga pumatay kay Batingkay upang masampahan ng kaukulang mga kaso. (January 11, 2025)