Isang bagong panganak na lalaking sanggol na iniwan ng ina, posibleng dalagang ina, ang na-rescue ng mga residente at emergency responders sa bayan ng Makilala, Cotabato nitong umaga ng Biyernes, October, 25, 2024
Ang sanggol ay unang narinig ng mga residente ng Barangay Concepcion sa Makilala na umiiyak matapos iwan ng kung sino sa isang bakanteng lote sa naturang lugar.
Pulang-pula na ang ilang bahagi ng katawan ng sanggol dahil sa mga kagat ng langgam ng makuha ito ng mga residente sa kung saan ito iniwan.
Agad na dinala sa isang health center ng Makilala local government unit ang sanggol kung saan maagap itong nalapatan ng agarang lunas.
Agad na pinangalanan na Joshua ng mga health workers at mga barangay officials ang sanggol na ngayon ay nasa ligtas ng kalagayan at inaaruga na ng mga naawang residente, ilan sa kanila mga bagong panganak na halinhinang pinapa-susu ito ng gatas mula sa kanilang mga dibdib. (October 26, 2024)