P6.8M shabu, samsam sa 3 dealers sa Maguindanao del Norte

Nakumpiska ng hindi unipormadong mga pulis ang abot sa P6.8 million na halaga ng shabu sa tatlong lalaking nalambat sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Biyernes.

Nakakulong na ang mga suspects, Sina Saddam Mantil, Sumugat Usop at Esrael Undong, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ulat nitong Sabado ni Brig. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang entrapment operation na nag-resulta sa pagkasamsam mula sa kanila ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million, ay magkatuwang na isinagawa ng mga operatiba mula sa mga police stations sa mga bayan ng Sultan Kudarat at Datu Odin Sinsuat, parehong sakop ng Maguindanao del Norte.

Ayon kay Tanggawohn, unang nai-plano nila Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat municipal police, at ng kanyang mga tauhan ang entrapment operation sa isang barangay na sakop nila, ngunit humiling sina Mantil, Usop at Undong na sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat na sila magkita upang magsagawa ng drug deal.

Hindi na pumalag ang tatlo ng arestuhin ng mga tauhan ni Madin at ng mga kasapi ng Datu Odin Sinsuat police force na pinamumunuan ni Lt. Col. Samuel Roy Subsuban matapos silang bentahan ng isang kilong shabu malapit sa mga commercial establishments sa gilid ng highway sa naturang lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *