
Nagdulot ng lungkot at pagkabalisa sa hanay ng Moro National Liberation Front ang deklarasyon ng Supreme Court na hindi kabilang ang Sulu sa mga probinsyang sakop ng teritoryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Lumabas ang naturang deklarasyon ng Supreme Court nitong Lunes, September 10, 2024, batay sa petisyon mismo ni Sulu Gov. Hadji Abdusakur Mahail Tan, Sr., na humiling sa hudikatura, mga limang taon na ang nakalipas, na huwag ipasakop sa BARMM ang kanilang probinsya dahil hindi bomoto ng pabor dito ang mga residente nito sa isang plebisito noong 2019.
Sa isang official statement, inilabas nitong gabi ng Miyerkules, September 11, 2024, sinabi ng liderato ng Moro National Liberation Front (MNLF), pinamumunuan ni Muslimin Sema, kasalukuyang labor and employment minister ng BARMM, na ang pagsang-ayon ng mga residente ng autonomous region sa pagtatag nito, ayon sa regional charter na Bangsamoro Organic Law, o Republic Act 11054, ay isang malinaw na indikasyon ng pagtalikod ng mga Moro sa madugong pakikibaka para kanilang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa kontexto ng meaningful self-governance, o empowered autonomy.
Ngayong inaalis na ng Supreme Court ang Sulu sa core territory ng BARMM, tanging ang mga probinsya na lang ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi at mga lungsod ng Cotabato, Lamitan at Marawi at 63 Bangsamoro barangays pa sa probinsya ng Cotabato sa Region 12.
Ang naturang mga lugar ay ginambala ng madugong labanan, mula 1970s hanggang 1980s, ng mga tropa ng pamahalaan at mga Moro guerillas na nakipaglaban, una sana para sa independence, pero pumayag na rin silang self-rule, o autonomy na lang ayon sa Philippine sovereignty kalaunan, kaugnay ng kanilang peace talks sa pamahalaan.
Ayon sa MNLF, ang hanay ng mga opisyal at mga kasapi nito ay nananalig na magsasagawa ng kaukulang aksyon si President Ferdinand Marcos, Jr. na makakaayos ng para sa kanila ay nakakagulat at nakakalungkot na pagkakatanggal ng Sulu sa mga probinsyang sakop ng BARMM.
Ang pagtatag ng nabuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 1991, at ng BARMM nitong 2019 na pumalit sa ARMM, ay resulta ng mga peace negotiations ng Moro communities at ng Malacanang na batay sa isang primary reference, ang 1976 Tripoli Agreement ng MNLF at ng pamahalaan, na siyang naging batayan ng matagal na mga prosesong pangkapayaan, tumagal hanggang nabuo ng BARMM at nagpapatuloy pa sa pamamagitan ng socio-economic at development initiatives ng BARMM at national government para sa local communities sa rehiyon. (Sept. 12, 2024)