![](https://nsjnews.com/wp-content/uploads/2025/01/image-137.png)
Isang grupo ng mga residente ng Barangay Poblacion 9 sa Cotabato City at mga estudyante sa lungsod ang sinanay ng dalawang araw sa pagtitipon ng mga ulat hinggil sa child labor upang mas mapalawig pa ang kampanya laban dito.
Ayon sa mga hiwalay na ulat nitong Huwebes ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng Cotabato City Social Welfare and Development Office, ang naturang Community-based Child Labour Monitoring System, o CB-CLMS, ay kaugnay ng magkatuwang na inisyatibo ng BARMM government at ng International Labour Organization, o ILO, na masawata ang paggamit sa mga kabataan bilang mga manggagawa at mandirigma.
Ang ILO, na isang ahensya ng United Nations, at ang tanggapan ni BARMM Labor Minister Muslimin Sema ay ilang taon ng nagtutulungan sa pagsugpo ng child labor sa maraming mga lugar, kabilang na ang Barangay Poblacion 9 sa Cotabato City kung saan maraming mga bata ang nag-iipon ng mga basurang maaring i-recycle, o ibenta, na itinatambak sa isang dumpsite doon araw-araw, at halos hindi na pumapasok sa mga paaralan.
Kabilang sa mga sinanay sa ginanap na October 15-16, 2024 digital child labour data collection system ang ilang social work students ng AR Pacheco College sa Cotabato City na ang administrasyon ay masigasig na sumusuporta sa mga anti-child labour programs ng BARMM government.
May anti-child labor program sa Barangay Poblacion 9 sa Cotabato City ILO, ang MoLE-BARMM at ang Government of Japan. (October 17, 2024)