Mastermind ng pagbomba ng misang Katoliko sa Marawi, arestado

Nasa kustodiya na ng pulisya ang nagplano ng pagbomba ng isang misa sa Marawi City noong December 3, 2023 na nagresulta sa pagkamatay ng apat na mga Katoliko at pagkasugat ng 43 na iba pa.

Sa pahayag nitong Lunes, October 21, 2024, ni Brig. Gen. Romeo Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, naaresto ang kasapi ng Dawlah Islamiya na si Arsani Membisa nito pang nakalipas na linggo ngunit hindi nila ito agad isinapubliko upang makapaghanda muna ang pulisya at militar laban sa posibleng pag-atake ng kanyang mga kasamang maaring papalag sa kanyang pagka-aresto.

Nasukol si Membisa sa Barangay Maria Cristina sa Iligan City ng mga magkasanib na mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group at mga kasapi ng mga unit ng PRO-BAR, ng Iligan City Police Office at ng Lanao del Norte Provincial Police Office at kusang loob ng nagpa-aresto na ng pakitaan ng mga namuno ng naturang operasyon ng warrant of arrest mula sa isang korte kaugnay ng kanilang pagbomba ng misa sa loob ng isang gymnasium sa Marawi City 10 buwan na ang nakakalipas.

Apat ang patay habang 43 na iba pa ang sugatan sa naturang pambobomba, gamit ang malakas na improvised explosive device, na isinagawa ni Membisa at dalawang iba pa na una ng naaresto ilang linggo matapos maganap ang insidente.

Si Membisa ay kilalang miyembro ng Dawlah Islamiya, isang lokal na teroristang grupo na naghahasik ng hindi pagkakaunawaan ng mga Muslim at mga Kristiyano at itinuturong responsable sa mga pambobomba, mula 2014, ng mga bus at mga commercial establishments sa Central Mindanao na tumangging magbigay ng “protection money” ang mga may-ari. (October 21, 2024) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *